Sinimulan sa apat na barangay sa bahagi ng Norte ng Puerto Princesa ang Ugnayan sa Barangay para sa unang kwarter ng taong 2024 ngayong araw, Pebrero 20.
Pinangunahan ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron ang paghahatid ng maiksing programa upang makadaupang-palad ang mga mamamayan mula sa Brgy. Langogan, Brgy. Binduyan, Brgy. Concepcion, at Brgy. Tanabag. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng iba’t ibang serbisyo na ipinagkakaloob ng pamahalaan, bukod sa pamamahagi ng walong kilong ‘commercial rice’.
Kabilang sa mga serbisyong ito ang libreng medikal at dental mula sa City Health Office, libreng pananim na gulay at seedlings ng fruit trees mula sa Office of the City Agriculture, bakuna at gamot para sa mga alagang hayop mula sa City Veterinary Office, libreng konsultasyon at pagsasaayos ng mga dokumento sa Civil Registrar’s Office, counselling mula sa City Social Welfare and Development Office, serbisyo mula sa Office of the Senior Citizen at Person with Disability Office, at libreng gupit mula sa Philippine Navy Marines, City PNP, at Bong Villanueva Salon.
Nagbigay rin ng kanilang mensahe ang mga konsehal na nagbigay inspirasyon sa mga dumalo. Bahagi ng programa ang mga konsehal tulad nina Konsehala Judith Raine Bayron, Kon. Patrick Hagedorn, Kon. Jonjie Rodriguez, Kon. Luis Marcaida III, Kon. Herbert Dilig, Kon. Victor Oliveros, Kon. Laddy Gemang (ABC President), Kon. Karl Dylan Aquino (SK Federation President), at Kon. Dionisio Saavedra (IPMR). Kasama rin sina Deputy Mayor Roy Ventura, Staff Sergeant Paul Jay Cabrera ng MBLT-9 MARU, at P/Capt. Dennis Demaya na kumakatawan sa City Mobile Force Company.
Bisita rin sa unang araw ng aktibidad ang mga Apuradong Kabataan ng Puerto Princesa mula sa San Pedyo Youth Volunteers at Junior Public Administrators Association ng Palawan State University. Nagpasaya rin sa mga mamamayan ang acoustic duo mula sa MBLT-9, CMFC dancers, at ang kwelang ‘magic tricks’ mula kay PSMS Jerry Alabastro ng City PNP.
Nagsimula ang Ugnayan sa Barangay ni Mayor Bayron noong taong 2017 at patuloy pa rin itong nagbibigay ng tulong at suporta sa mga rural barangay ng Puerto Princesa. Ang programa ay magpapatuloy sa loob ng halos isang linggo.
Discussion about this post