Sa panahon ng cancel culture, hate at kung ano-anong bashing left and right, aatras ba tayo na mga tinawag na maging ilaw at asin ng mundo? Sa takot na mapansin, yung pansin na pandiriinan ang iyong mga kahinaan at kakulangan, itatago ba natin sa dilim ang ating ningning – ang ningning ng pag-asa na minsan sa dilim mayroong umabot sa atin at inilabas tayo sa kweba ng ating mga pagkakalugmok at pagkakamali para tuluyang palayain? Oo nakakatakot na tuligsain at pahiyain sa harap ng mga mapanuring tingin ng mundo lalo na sa mga panahon na ito na mabilis kumalat ang usap-usapan sa paligid parang apoy na ayaw mamatay at patuloy na tumutupok ng ating pagkatao.
“But before all this occurs, there will be a time of great persecution. You will be dragged into synagogues and prisons, and you will stand trial before kings and governors because you are my followers. But this will be your opportunity to tell them about me. So don’t worry in advance about how to answer the charges against you, for I will give you the right words and such wisdom that none of your opponents will be able to reply or refute you!” (— Luke 21:12-15 NLT)
Noong narito pa sa lupa si Jesukrristo kanyang sinabi sa kanyang mga disipulo na humayo at ipamalita ang mabuting balita – ang ebanghelyo na naparito na sa mundo ang daan, katotohanan at buhay sa katauhan niya ang ating Diyos at tagapagligtas. Sinabihan din niya sila na hindi magiging madali ang sumunod sa kaniya. Una, Wala silang dapat daladalahin. “Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa paghahari ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila’y pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon.” (Lucas 9:2-4 MBB05) Pangalawa, maari silang walang matulungan at matirhan at mapagpwestuhan man lang ng kanilang napapagod na mga katawan.
“Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.”” (Lucas 9:57-58 ASND) Pangaltlo, mapapasubo sila sa nga taong pahihirapan sila at ang iba maghahangad na patayin sila. “Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan.” (Lucas 10:3-4 RTPV05)
Makikita natin ang tindi at halaga ng balitang ating dala sa mga oposisyon na ating masalubong sa pagsunod at paghayo natin. May kakulangan, walang kasiguraduhan ng mapagpapahingahan, at tiyak na paghihirap sa kamay ng mga ayaw maliwanagan. Ngunit hindi tayo hahayong magisa. Isusugo ng Diyos Ama ang kanyang banal na espiritu para tayo ay samahan at ang ating kahinaan ay katagpuin at palakasin. Oo haharap tayo sa pagsubok, paghihirap, parang walang katiyakan ng ating kahihinatnan ngunit ito’y nananatiling parang lamang. Dahil hindi tayo mag-iisa kailanman. Ang pangako ng Dios ay hindi niya tayo iiwan o pababayaan man lang (Hb 13:5). Ang banal na espiritu ang kasangga natin at Siyang magiging tagapagtanggol at tagapagpalakas natin (Jn 14:16). Ang pangako pa ni Jesus mismo na haharap tayo sa mga persecutions and tribulations dito sa mundo pero Itong lahat ng ito ay napagtagumpyan na niya. (Jn 16:33) Kung siya ay mabubuhay at hahayaan nating mabuhay sa ating lupa at marupok na katawan tulad ng turo ni Pablo sa Galacia 2:20, siya na ang mabubuhay sa atin at andoon ang katiyakan na malalampasan natin ang anomang hirap na maaari nating salubungin. Kung kasama natin ang Diyos at siya ang buhay sa ating katawan ano ang hindi natin kayang lampasan? Anong pagsubok ang hindi yuyuko at sasamba sa kapangyarihan ng Dios na magniningning sa puso, isip, gawa at katawan natin. Bilin nga niya ““…mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito.” (Lucas 12:4 MBB05)
Si Jesukristo ang DAAN, KATOTOHANAN at BUHAY (Jn 14:6). Siya ang daan para mapuntahan natin ang kapayapaan at malakaran din ng iba pang nangangailangan ang handog ng Diyos na kapahingahan sa kanila. Siya ang ating katotohanan – katotohanan na ating pwedeng panghawakan sa mundong gulong-gulo at nalilito. May kasalatan man tayo dito sa daigdig ngunit sa Langit ang ating pangwalanghanggan ang tiyak na tiyak at walang katapusan. Maiksi ang buhay sa lupa para tayo ay mabagabag ng matitirhan, makakainan, mapagpaphingahan o matutuluyan. Walang hanggang kapayapaan ang nakataya para sa mga taong Kulang-Kulang na sa mundong kasalukuyan na pati ba naman sa pangwalang hanggan ay nanganganib parin na mapagiwanan.
Nawa’y hugutin natin ang lakas at kapangyarihan na binibigay ni Jesu-Cristo sa mga taong susunod sa tibok ng kanyang puso – puso na gustong ipagkaloob sa mga taong handang sumunod ang lawak, laki at lalim ng kanyang mga salita na nagbubunga sa taos pusong pagsunod at pananampalataya. Nawa’y makita natin ang mundo na nangangailngan at kahit na tayo ay kanilang kaladkarin at pahirapan ito ang mabisang paraan para maipamalita at maipakita natin ang kabuohan ng mabuting balita na ibinilin sa atin. Hindi tayo magiisa at hindi tayo nagiisa dahil si Jesukristo na mismo ang nangako na makakasama natin siya hanggan sa katapusan ng panahon (Mt 28:20). At kung tayo ay sa paghihirap at pagaalinlangan bisitahin ng panghihina ating tandaan at panghawakan na May pangako ang ating Panginoon at Tagapagligtas na “Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway.” Lucas 21:14-15 MBB05. Aatras pa ba tayo sa pangakong ito? Maduduwag pa ba tayo na ipagsigawan ang ebanghelyo na kailangan ng mundo?! Dalangin ko Panginoon na katagpuin mo ako at ang takot ko. Nawa’y mabuwag ang anumang duda na ako ay nag-iisa at magiisa sa oras ng pagsubok, paghihirap at “parang” paguusig na siyang daan para ang mga nagdududa ay mapaliwanagan din. Ama palakasin mo ang aking PANININDIGAN na tumayo at magnining sa mundo na nadidiliman ng samu’t saring alalahanin, kakulangan at panandaliang kapahingahan. Bigyan n’yo ako ng sigasig at lakas na harapin ang hamon ng buhay at sa ganung paraan makita ng mga nahihirapan na may pag-asa sa inyong mga salita.
Discussion about this post