Nasubukan mo na bang lumabas ng bahay na ang linis linis ng pakiramdam pero pag-uwi mo para kang nalukuban ng samut-saring dumi at feeling mo nangigitata ka at nanlilimahid? Sa buhay at sa ating araw araw na pakikibaka, pakikisalamuha at pagkikipagugnayan sa iba’t-ibang mga pagkakataon, pangyayari at tao hindi maiiwasan na tayo ay maapektuhan at manatiling hindi nababahiran ng kung ano anong bakas ng ating mga pinagdaanan.
“Since God chose you to be the holy people he loves, you must clothe yourselves with tenderhearted mercy, kindness, humility, gentleness, and patience.” (Colossians 3:12 NLT)
Impossible man na tayo ay hindi mapektuhan, madumihan at madungisan mahabagin pa rin ang Diyos na tayo ay tulungan. Ang bunga ng espiritu, sa pamamagitan ng pinangako at sinugong banal na espiritu, ang ating magiging tagapagtanggol. Siya ang magpapalakas sa atin para harapin ang iba’t-ibang pagsubok na sasalubong sa atin…
Ang tender heart, kindness, humility, gentleness at patience o pagiging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis ay lima sa siyam na bahagi ng kabuuan ng bunga ng espiritu na makikita sa Galacia 5:22-23. Ito ay mga katangian na makikita sa isang mananampalataya at hindi na karaniwan sa mundo at lipunan natin ngayon. Mas madaling unahin ang sarili kaysa ang nararamdaman ng iba. Sa Colosas 3:13 tayo ay pinaalalahanan ni Pablo na magpasensiya sa isa’t-isa lalo na kung tayo ay nakaramdam ng sakit at may inaalagaang hinanakit. Kung tayo ay pinatawad ng PANGINOON sa ating mga pagkakasala, sino ba naman tayo para hindi magpatawad sa mga nagkasala sa atin?!?
Noong narito sa lupa si Jesu-Cristo pinaliwanag niya kay Pedro at sa kanyang mga disipulo kung paano tayo dapat magpatawad – “Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.” (Mateo 18:22 RTPV05). Sinundan pa ito ni JESUS ng isang parable tungkol sa isang unmerciful servant (Basahin Mateo 18:23-35) na pinatawad ng kanyang amo sa kanyang pagkakautang na kung susumahin ay mahigit-kumulang na 3.48 billion² hanggang 7.4 billion dollars.¹ Sa istorya pagkatapos mapatawad sa kanyang pagkakautang ang servant nakita niya ang kanyang kamanggawa na nagkakautang sa kanya ng mahigit-kumulang na 11,733.33 dollars¹ na .000158% lang ng halaga sa utang niya sa kanilang amo. Ngunit noong ito ay hindi makapagbayad ito ay pinabilanggo hanggang sa ito ay makapagbayad. Nang nalaman ito ng Hari na nagpatawad ng kanyang pagkakautang nagalit ito – “Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba’t dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’”(Mateo 18:32-33 RTPV05)
Sa NLT version ng ang ending ng malupit na servant ay pinakulong para i-TORTURE o pahirapan hanggang sa mabayaran niya ng BUO ang kanyang pagkakautang. Ang babala ni JESUS sa parable na Ito ay iyon din ang sasapitin ng sinoman na hindi magpatawad sa kanyang kapwa.
Sa araw araw na ating pakikibaka, salamuha at pakikipagugnayan nawa’y hindi natin malimutan na ibukod ang ating sarili. Kung kalakaran na ng mundo ang pagkamuhi at pagtanim ng sama ng loob, nawa’y bilang mga disipulo at taga pagsunod ng mga utos ng Diyos tayo ay lukuban at bihisan ng kapangyarihan ng banal na espiritu at ang bunga niya ang makita sa ating pagkikipagkapwa-tao. Kung paano tayo minahal nawa’y ganun din tayo magmahal sa mga taong tulad nating marupok, nadadarang at natutukso rin.
Discussion about this post