Marami sa atin ang nakasanayan nang magbigay at makatanggap ng regalo tuwing sasapit ang Pasko.
Ang iba nga sa atin Setyembre pa lang, ay iniisip na kung ano ang magandang maipanre-regalong magugustuhan ng ating mga mahal sa buhay.
Maging sa mga exchange gifts man sa opisina o paaralan, hangad ng bawat isa na matanggap bilang regalo ang bagay na pinaka-aasam-asam nila.
Ngunit, naitanong nga ba natin sa ating mga sarili kung bakit nagbibigayan ng regalo tuwing Pasko?
Kailan nga ba nagsimula ang Kapaskuhan at ano ang tunay na kahulugan nito?
Ayon sa Encyclopaedia Britannica, isang online encyclopedia, ang Pasko ay Kristiyanong selebrasyon ng kapanganakan ni Kristo.
“Christmas” kung tawagin sa Ingles, ito raw ay nangangahulugang “mass on Christ’s day” na nakagawian nang ipagdiwang sa iba’t-ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng “exchange gifts”, mula pa noong 20th century.
Ayon sa founder ng popular na website na desiringGod.org at chancellor ng Bethlehem College and Seminary na si John Piper, ang Pasko ay napaka-kontrobersyal dahil sa “mabuting balita at katotohanang” kaakibat ng selebrasyong ito.
Ayon kay Piper, si Hesus ay regalo sa atin ng Diyos Ama upang maging Tagapaglitas mula sa ating mga kasalanan at sa kasiguruhan ng kaparusahang kamatayang dulot n gating mga sala.
Sinabi sa Bibliya sa Romans 3:23 na ang lahat sa atin ay nagkasala, at hindi kailanman sa pamamagitan ng mabubuting gawa natin kayang mabayaran sa Dioys ang ating mga sala (Ephesians 3:23), kundi sa pamamagitan lamang ng anak Niyang si Hesus (John 14:6).
Ayon din sa John 3:16, tunay tayong iniibig ng Diyos kaya’t ibinigay Niya ang Kaniyang kaisa-isang anak na si Hesus, upang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Si Hesus ay isinilang sa isang maralitang sabsaban sa Bethlehem dalawang-libong taon na ang nakalilipas.
Siya ay ipinako sa krus at nabuhay muli noong ikatlong araw upang ang ating mga kasalanan ay ipagbayad.
Si Hesus, na regalo sa atin ng Ama dahil sa Kaniyang labis na pag-ibig sa atin, ang siyang tunay na diwa ng Pasko.
Sana sa bawat pag-tanggap at pag-bigay natin ng regalo ngayong Pasko, ay maalala din nating pasalamatan ang Diyos, para sa pinakamahalagang handog na ating tinanggap mula sa Kaniya.
Discussion about this post