Sa nalalabing tatlong araw bago ang pinakahihintay na eleksyon, nawa’y tayong lahat ay maging mapagmatyag sa anumang uri ng katiwalian na pwedeng mangyari sa loob ng isang araw ng ating pagluklok sa mga kandidatong karapat-dapat, responsable, at may mga paninindigan sa kanilang mga salita. Nawa’y tayong lahat ay gumamit ng makatwiran na pananaliksik, labanan ang mga balitang nariyan upang tayo ay pigilan makapag-isip ng tama.
Marapat na ating tandaan na hindi lamang sa araw ng ika-9 ng Mayo na tayo ay dapat manindigan sa ating moral at mga prinsipyo; bagkus, tayo ay dapat magpatuloy na punahin ang mga posibleng makalimutan na pangako ng ating mga susunod na lider ng bansa.
Tayo man ay nanggagaling ngayon sa pag-endorso ng magkakaibang kulay–mapa-asul, pula, berde, o rosas man ito–nawa’y tayo’y hindi maging loyalista sa mga ito, kundi dapat tayong manindigan biglang Pilipino, maging tapat sa bansang Pilipinas lamang.
Nawa’y tayong lahat ay makapili at makaboto ng mga nararapat na taong may kakayahang makatulong sa kapwa, walang kinikilingan, walang kahit anong bahid ng korapsyon, at talagang may puso para sa mga hinaing ng sambayanang Pilipino.
Ang ating mga boto ay hindi lamang magagamit para sa isang araw; ang kahihinatnan ng ating magiging desisyon sa araw ng halalan ay ating madarama sa loob ng anim na taon—nasa ating mga kamay ang kakayahang mamili ng makakapagpa-angat satin.
Tandaang nasa kamay rin natin ang posibleng makahila pa lalo sa atin pababa.
Bumusisi at bumoto ng tama, Palaweño!
Discussion about this post