Sugatan ang isang miyembro ng Bantay Gubat Roxas matapos barilin kahapon sa Sitio Iraan, Bgy Magara, Roxas, Palawan.
Nakikala ang biktima na si Inocencio Garabato, 47, at residente ng Bgy Magara.
Batay sa spot report mula sa Roxas Municipal Police Station, sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktima ng pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang kriminal na nakatago sa mga puno.
Nagtamo ng sugat sa kaniyang tiyan, kanang siko at kaliwang hita ang biktima na agad naisugod sa Roxas Medicare Hospital.
Ayon kay Police Corporal Joselito Amurao, noong nakalipas na linggo ay nagsagawa ng anti-illegal mining operation ang Bantay Gubat kung saan nakumpiska nila ang isang motor generator na ginagamit ng mga iligalista.
Dahil dito ay posible umanong naghiganti ang mga iligalista na posibleng suspek sa pamamaril.
Samantala, patuloy na nagiimbestiga ang pulisya sa kaso.
Sa ngayon ay nagpapagaling na ang biktima sa Ospital ng Palawan.
Discussion about this post