Tuluyang sumabog ang Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon nitong umaga ng Lunes Abril 28, 2025. Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), bandang 4:36 ng umaga nang magsimula ang phreatic eruption, na tumagal ng humigit-kumulang 24 minuto.
Itinaas ng PHIVOLCS ang status ng Bulusan mula Alert Level 0 patungong Alert Level 1, indikasyon ng mababang antas ng pag-aalboroto at presensya ng aktibidad na volcanic.
Umabot sa 4.5 kilometro ang taas ng abo at singaw na inilabas ng bulkan, na tinangay patungong kanluran at timog-kanluran. Naiulat naman ang ashfall sa ilang barangay sa mga bayan ng Irosin at Juban, kabilang ang Barangay Cogon, Bolos, Puting Sapa, Guruyan, Buraburan, at Tulatula Sur.
Ayon sa PHIVOLCS, nakapagtala sila ng 53 volcanic earthquakes mula Abril 27 hanggang Abril 28, isang indikasyon ng nagaganap na paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan. Iniulat din ng mga residente ang pagkarinig ng malalakas na ugong bago ang pagsabog.
Samantala, naitala rin ang pyroclastic density current o uson sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan, na umabot sa layong tatlong kilometro mula sa bunganga.
Bilang pag-iingat, muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na iwasan ang pagpasok sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Bulusan. Pinayuhan din ang mga residente na maging alerto sa posibleng lahar flows, lalo na kung magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente, ngunit patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa aktibidad ng bulkan.