Setyembre 23 nang bawian ng buhay si Elsa Rubio, 57 anyos, at residente ng Purok Pinag-Isa, Barangay Calategas sa bayan ng Narra.
Pansin ng mga kapitbahay na matagal kesa sa normal ang burol ni Elsa sa kadahilanang apat sa kanyang limang anak ay pawang nasa iba’t-ibang bansa at kinailangan pang bumiyahe ng biglaan para lamang masulyapan at makasama kahit sa huling pagkakataon ang kanilang ina.
Ayon sa medical records ni Elsa, ang ginang ay pumanaw dahil sa sakit na “high risk pneumonia” na isang komplikasyon sa baga kung saan ito ay kusang nanghihina at humihinto sa paggalaw. Dalawang araw bago tuluyang pumanaw, nag-positive rin si Elsa sa sakit na Dengue.
Iba pang dahilan
Sa kabila ng opisyal na diagnosis ng mga doctor sa ospital, iginigiit na isa sa malaking dahilan ng pagkakasakit ni Elsa, ayon sa kanyang mga anak na sina Elmar at Eljun, ay ang kasula-sulasok at maruming babuyan ng isa sa kanilang malapit na kapitbahay na nangangalang Rudy Barlas, na dati din umanong tauhan ng pamilya Rubio.
Ang babuyan ni Barlas, na mayroong humigit-kumulang 15 baboy, ay nakaposisyon sa tabi ng fishpond ng pamilya Rubio, kung saan, ayon kina Eljun at Elmar, ang kanilang fishpond na rin umano ang nagsisilbing tapunan ng dumi ng mga baboy ni Barlas gayundin ang gamit na tubig at sabon galing sa banyo nina Barlas na nakatabi naman sa kanilang babuyan.
Tuwing hapon, ayon kay Elmar, ay umaalingasaw ang kasula-sulasok na amoy ng naghalong dumi ng mga baboy at sabon na dumidiretso sa kanilang fishpond at mistulang sumisingaw pagdating ng 4:00 PM – 6:00 PM.
Dagdag pa nito, may mga pagkakataon na nagbubuga ng usok na tila amoy ammonia ang fishpond tuwing mainit ang panahon.
Ito ang araw-araw na iniinda ni Elsa noong siya ay nabubuhay pa. Hinaing ni Elmar, noong buhay pa ang ina, ito raw ay madalas magreklamo ng hirap sa paghinga, pananakit ng likod at katawan, gayundin ang pagkahilo paminsan-minsan.
Matagal nang problema
Ayon sa pamilya Rubio, dalawang taon nang pabalik-balik ang kanilang ina sa barangay council ng Calategas upang idulog ang kanilang matinding problema. Ngunit hayag ni Elmar, sila ay paulit-ulit umanong nabigo.
Iginiit din ng mga naiwang anak ni Elsa na walang ginawang aksyon ang kanilang barangay tungkol sa hinaing ng kanilang ina, hanggang sa ito ay tuluyang na ngang nagkasakit at pumanaw.
Ang barangay council ng Calategas
Samantala, nito lang Lunes, Oktobre 7, nasaksihan ng Palawan Daily News ang mainit na komprontasyon sa pagitan ng mga opisyales ng barangay at ng mga naulilang anak ni Elsa.
Dito naglabasan ng hinaing ang dalawang panig na nauwi naman sa sigawan at tila emosyonal na paghaharap.
Nang nakapanayam ng PDN si Kapitan Borlaos, itinanggi nito na hindi umano naghain ng pormal na reklamo tungkol ang yumaong ginang nitong ito ay nabubuhay pa. Bagkus, ang tanging hinanaing na ikinukwento nito ng personal sa kapitan ay ang kanilang lupain na siya namang kinatitirikan ng bahay ngayon ni Barlas.
Pinabulaanan rin ng mga opisyales ng barangay na hindi umano totoo na nangamatay ang mga alagang isda ng pamilya Rubio sapagkat may tao raw umanong nakakita na ang mga patay at palutang-lutang na bangus na nakuhaan ng litrato ni Elmar sa kanyang post ay kanila lamang inilagay ng kusa sa fishpond.
Sa katunayan, anya ng kapitan, ang pamilya Rubio ay mayroon ding babuyan noong araw na tinanggal lamang ni Elmar noong siya ay umuwi kamakailan.
Iginiit din ng kapitan na sila ay handang magreklamo sa awtoridad laban sa post ni Elmar sakanila sapagkat ito raw ay maituturing na cyber-bullying.
Ayon naman kina Elmar at Eljun, sinuportahan naman raw ng kanilang ina ang pagtakbo ng nasabing kapitan ng barangay noong eleksiyon. Dagdag pa ng mga ito, sa katunayan, nagkagulo pa ang kanilang pamilya dahil nakalaban ng nasabing kapitan ngayon ang isa sa kanilang mga tiyuhin na kanila namang hindi sinuportahan noong eleksiyon. Kung kaya’t kanilang inilahad na sila ay nagtatampo sa kanilang kapitan sa kadahilanang hindi nito binigyang pansin ang hinaing o reklamo ng ina nilang si Elsa noong ito ay nabubuhay pa.
Magandang simula
Si Rudy Barlas, ang may-ari ng sinasabing babuyan ay isa sa mga tauhan ng pamilya Rubio noon sa kanilang pangingisdang hanapbuhay. Ayon kay Elmar, ito ay itinuring nilang tunay na pamilya. Sa katunayan, kanila itong kinupkop at pinatira sa lupa na tinatayuan ngayon ng bahay at babuyan ni Barlas.
Ngunit, ayon pa din sa kuwento ng magkakapatid na Rubio, nagkalamat umano ang samahan nila ng magsimulang angkinin ni Barlas ang lupang tinitirikan ng kanyang bahay at babuyan. Dagdag pa ng mga ito, noong nabubuhay pa ang kanilang inang si Elsa, madalas umano ito magtanim ng mga halaman sa tabi ng bahay ni Barlas, ngunit kahit ano mang pag-aalaga ng kanilang ina sa mga pananim nito, namamatay ang mga halaman hanggang sa kanilang na diskubre na ang mga ito ay binubuhusan di umano, ng gasolina ni Barlas.
Dito na tuluyang nagkaroon ng lamat sa pagitan ng dalawang pamilya.
Ang sakit ni Elsa
Samantala, sa exclusive na panayam ng Palawan Daily News kay Dra. Gina Tagyab, ang municipal health officer ng Narra, k iginiit nito na wala silang natatanggap na report o reklamo galing sa barangay health workers ng Calategas.
Tungkol naman sa usaping dahilan ng pagkamatay ni Elsa, kung saan siya ay nagkaroon ng diagnosis na “High Risk Pneumonia,” at Dengue, sinabi ng doktora na ang pagkakaroon ng umaalingasaw na babuyan ng kanilang kapitbahay ay maaring isang “contributing factor” lamang sa pagkamatay ng naturang ginang dahil ang pneumonia ay isang sakit na nakukuha sa virus, o bakteria. Dagdag pa nito, ang pneumonia ay hindi isang “air-born disease,” o sakit na nakukuha sa hangin na nalalanghap.
Problema sa Sanitasyon
Bagaman matagal nang isyu ang umaalingasaw na babuyan ni Barlas at pagkamatay ng mga alagang bangus na ilang beses ng idinulog ng pamilya Rubio sa lokal nilang barangay, wala umano silang natanggap na solusyon.
Nakapanayam naman ng Palawan Daily News si Sangguniang Bayan Kagawad Janet Nabua, chairman ng Committee on Health and Sanitation, at idinulog ang reklamo ng pamilya Rubio hinggil sa nabanggit na babuyan at sa ngayon ay marumi ng fishpond.
Sinabi ni Nabua na wala rin umanong natanggap na reklamo ang Sangguniang Bayan ukol dito, subalit, noong ipinaalam ang mainit pang sitwasyon, agad namang sinabi ng kagawad na ito ay kanyang isasangguni sa kanilang local health board kasama ang mga personnel ng lokal na RHU, kanilang mga barangay health worker (BHW), at iba pang medical and health personnel.
Ipinaalam din ni Nabua na ayon sa Sanitation Code ng munisipyo, ang pag-aalaga ng baboy ng sino man na nasa residential area ay mahigpit na ipinagbabawal lalo’t ito ay magsasanhi ng reklamo ng mga kapitbahay.
Sa kopya ng Sanitation Code na nakalap ng Palawan Daily News, base sa Article XIX, ipinagbabawal ang sino man na magtayo o magpatakbo ng anomang babuyan, manukan, kulungan o kwadra kung ang lupang patatayuan o kinatitirikan nito ay hindi nalalayo sa 100 metro mula sa tirahan o residensiyal na lupain ng sinomang tao o kapitbahay.
Ayon din sa Sanitation Code, ito ay mahigpit na ipinagbanawal dahil maari umano itong maging sanhi ng peste o langaw, at mga hayop o insekto na maaring magdala ng virus o sakit.
Dagdag dito, base naman sa Article XX, ang anomang bagay o dahilan na maglalagay alanganin sa kalusugan ng sinoman ay masasabing isang paglabag sa Sanitation Code ng munispyo kabilang na ang madilim o abandonadong lugar, building na tinitirahan na ng mga peste kagaya ng mga ipis o mga daga, hindi malinis na kapaligiran na nagtataglay ng anomang masang-sang o maalingasaw na amoy, maruming tubig, mga sapa at kanal na mayroong “stagnant” na tubig na maaring pamugaran ng lamok o kiti-kiti, mga patay na hayop at marami pang iba.
Ito ay maituturing nang peligro sa kalusugan ng tao ayon sa panukala. Kung kaya’t ang sinomang mapapatunayang lalabag sa mga ito ay maaring bigyan ng isang “Notice of Warning” sa unang paglabag. Parusang pagbayad ng P2,000 sa ikalawang paglabag at parusang pagbayad ng P2,500 at pagkakulong ng isang buwan hanggang isang taon o pagpapasara ng naturang lugar na inirereklamo ng kapitbahay.
Ang pagkamatay ng mga isda
Sa panayam naman ng Palawan Daily News kay Aquaticculturist na si Nolie Dieron ng lokal na Bureau of Fisheries and Aquatic Office (BFAR) ng Narra, kinompirma nito na isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga alagang bangus sa fishpond ng pamilya Rubio ay ang mga “fecal wastes,” o dumi ng baboy na itinatapon ni Barlas sa nasabing fishpond.
Pinaliwanag ni Dieron na ang mga fecal waste ng mga alagang baboy ni Barlas ay kusang natutunaw sa ilalim ng fishpond na di kalaunam ay magiging “algae” na o lumot. Ayon padin kay Dieron, ang lumot ay dumidikit sa mga bahagi ng fishpond at upang ito ay lumago, nangangailangan din umano ang mga ito ng oxygen, kapareho ng mga isda.
Dagdag niya, maaring sa sobrang kapal na ng lumot na taglay ng fishpond, ito na ang pangunahing humihigop ng oxygen kung kaya’t nakukulangan na ng oxygen ang mga isda, dahilan ng kanilang pagkamatay.
Madalas din umanong namamatay ang mga isda sa gabi, kung saan wala ng araw at mahina na ang supply ng oxygen, rason kung bakit kadalasan sa umaga ay marami ng patay na isda ang lumulutang.
Sa madaling sabi, nakita ni Dieron na ang fecal waste na naitatapon sa nasabing fishpond ay isa ring factor sa pagkamatay ng mga bangus ng pamilya Rubio.
Idinagdag ni Dieron na upang makasiguro, maari umanong mag-request ng water sampling ang pamilya sa Provincial Fisheries Office ng lalawigan para matantiya kung mayroon pa bang ibang makikitang nakalalason na kemikal sa naturang fishpond.
Pagluluksa
Sa ngayon ay nagdadalamhati pa rin ang pamilya Rubio sa sinapit ng kanilang ina. Masakit umano na ito ay hindi narinig ng kinauukulan noong ito ay buhay pa, at nakakalungkot din daw na kinailangan pang mamatay ng kanilang ina bago sila marinig ng mga tao na una pa lamang ay dapat nang nagbigay pansin sa kanilang reklamo.
Rebelasyon
Samantala, sa muling pagbisita ng Palawan Daily News sa naturang barangay, napag-alaman na hindi lamang mga residente ang nag-aalaga ng baboy sa kani-kanilang mga tirahan. Maging ang ilan sa opisyales ng naturang barangay ay may kanya-kanya ding alaga sa kanilang mga bakuran.
Ito nga ba ang naging dahilan kung kaya’t hindi natugunan ng barangay council ng Calategas ang hinaing ng yumaong si Elsa?
Ano nga ba ang magiging aksiyon ng Sangguniang Bayan at lokal na RHU ukol dito? Mayroon nga bang pananagutan ang barangay council ng Calategas?
Ito ang inaantabayang mangyari ng mga naiwang anak ni Elsa.
Discussion about this post