Bumalik na ang sigla ng mga nag-aalaga ng tahong sa bahagi ng Inner Malampaya Sound sa Bayan ng Taytay matapos ideklara na negatibo na sa red tide ang lugar.
Ayon kay Kapt. Delia Fajardo ng Brgy. Old Guinlo, Taytay, Palawan at miyembro ng Apostolic Vicariate of Taytay-Chapel Social Action Center (AVT-CSAC), isa sa mga asosasyong nagsasagawa ng green mussel culture sa lalawigan, labis umano silang naapektuhan ng red tide na tumagal ng mahigit limang buwan. Lubos umano silang nalungkot nang mahinto ang pagbebenta nila ng tahong at naranasan ang “grabeng hirap at sakripisyo dahil sumabay sa pandemya” ang red tide.
Sa nakalipas na mga taon, ang pagpapalaki ng tahong ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residenteng nakatira sa mga barangay na nasa loob ng Inner Malampaya Sound gaya ng Old Guinlo, New Guinlo, Pancol, Banbanan at Alacalian.
At nang ideklarang negatibo na sa red tide ang lugar noong Marso 31, masaya ang mga green mussel grower dahil pwede na uli silang magbenta ng mga tahong sa iba’t ibang lugar sa Palawan at maging sa labas ng probinsiya.
“Ito po kasi ‘yon ang main source ng livelihood ng mga tao na naninirahan sa…[nasabing mga lugar]. Muling bumalik po ang sigla ng mga mamamayan [ngayon], ng mga tao sa komunidad, at nagkaroon po ng magandang kita na naman [ang mga taga rito],” ani Fajardo.
“Ayon! Nagsimula na naman ang market nila papuntang Puerto [Princesa] at papuntang Manila.”
Dagdag pa niya, higit na mas mainam na sariwang tahong ang ibebenta dahil hindi na ito masyadong nangangailan pa ng manpower at agad na mababayaran ang asosasyon o indibidwal na nagbebenta ng naturang produkto.
“Mas magandang ibenta ang fresh tahong kasi sa fresh tahong po, pagkakuha sa culture na fresh, lilinisan lang po at isasako lang saglit at ibabiyahe na, samantalang ang dried tahong po, bubuksan pa po ‘yan, ida-dry pa, mag-uupa pa ng mga taong mabibilad,” aniya.
Sa ngayon naman, ani Punong Barangay Fajardo, ay ready for harvest na ang mga inalagaan tahong ng AVT-CSAC. Ang kanilang asosasyon ay mayroong 30 miyembro na mula sa hanay ng mga opisyales ng barangay, at pamayanang Kristiyano ng Old Guinlo.
Sa kabutihang-palad naman ay hindi na rin umano sila bibili pa ng similya sa kasalukuyan sapagkat may makukuha na silang sapat na juvenile green mussel sa kanilang iha-harvest.
“Yong DENR po ang susukat at magsasabi kung saan kayo magtatanim at kung saan kayo maglalagay ng inyong culture. Kasi po, iba rin po [kasi] ‘yong zoning sa pagku-culture ng lapu-lapu. Sa zoning po kasi, iba rin sa green mussels kasi malaking pinsala rin ‘yan sa mga lapu-lapu kung pagtatabi-tabihin [ang area nila]. Kaya nakabukod din po ‘yong linya ng tahong, nakabukod din ‘yong linya ng fresh lapu-lapu culture,” ang ibinahagi pang impormasyon ni Kapt. Fajardo sa isa sa mga panuntunan kapag kumuha ng permit bilang green mussel grower sa Taytay.
Matatandaang nag-positibo sa red tide ang Inner Malampaya Sound noong Oktubre 2020 at nag-negatibo noong Marso 9, 2021 ngunit muling nagpositibo kamakailan. Sa latest update ng BFAR, muling naalis na sa listahan ng positibo sa red tide ang Malampaya base sa ipinalabas nilang Shellfish Advisory No. 9 noong huling araw ng Marso ngayong taon.
Discussion about this post