Puspusan ang paghahanda na ginagawa ngayon ng Hijos de San Jose para sa nalalapit na Unlock Palawan 2 sa Hunyo 25, 2022, ganap na ika-5:00 ng umaga kung saan masusubukan ang angking galing, determinasyon at disiplina ng rider sa pagmamaneho ng motorsiklo sa humigit kumulang 1,100 kilometrong land travel sa bahaging sur at norte ng Palawan.
Ayon sa Chairman ng Hijos Unlock Palawan na si Boy Sendaydiego Medina, dahil maluwag na ang restrictions ngayon kumpara noong nakalipas na mga taon dulot ng COVID-19, ay magkakaroon na umano ito ng mga kalahok mula sa loob at labas ng bansa.
“Since ilang linggo na lang gagawin na namin ulit yong ‘Unlock 2’… 2nd year na namin ito… noong unang taon successful ‘yong nagawa namin at naging maayos ang lahat… so far nasa final stage na kami nang preparation and we’re all set,” ani ni Medina.
Sa ngayon, nasa mahigit 100 ang inaasahang magiging kalahok ng aktibidad na magmumula pa umano sa labas ng lalawigan.
Dagdag pa ni Medina, katuwang nito ang Pamahalaang Panlalawigan sa gaganaping Unlock Palawan 2 na may kaugnayan sa nalalapit na selebrasyon ng Baragatan Festival 2022 kung saan layunin nito na isulong ang mga tourist destinations ng lalawigan.
“So, identify lang namin sa mga riders during event or doon sa kit nila isasama nila yong mga pictures para lang makita nila kung saan nila pupuntahan iyon kasi hindi naman lahat nasa main road eh,” salaysay pa nito.
Marami umanong papremyo ang ipamimigay sa Unlock Palawan 2 sa oras na makumpleto ng rider ang Phase 1 at Phase 2 nito katuwang ang kumpanyang CALTEX.
Ayon pa kay Medina, asahan na maraming papremyong naghihintay kagaya ng finisher shirt ngunit hindi umano ito basta bastang makukuha dahil kinakailangang matapos ang 12 checkpoints.
Patuloy pa nito, “Nandiyan yong finisher sticker…marami kaming giveaways ngayon…kasi si CALTEX maraming pa-raffle so tuloy na yong magpapa -raffle siya ng isang motorcycle and at the same time may mga giveaways silang ipamimigay din.”
“Kasama na diyan yong most discipline, biggest group mga ganoon…so mandatory na yong 12 checkpoints at matatakan na yong mga passports ninyo,” dagdag pa nito.
Ang mga underbone na motorsiklo o mabababa ang Cubic Capacity (CC) ay puwedeng sumali. Kamakailan lamang ay sinubakan nila ito gamit ang mga big bikes at mga underbone na motorsiklo kung ilang oras ang aabutin sa biyahe.
“Nag-recon na kami last 2 weeks ago… in-estimate namin… may mga tumakbo sa aming big bike may mga tumakbo sa aming underbone so na-estimate namin kung gaano nila katagal tatakbuhin iyon…ang rough estimate namin to Buliluyan aabutin ka ng 5-6 hours one-way iyan and by 7:00 o’clock in the evening andito na kami [Puerto Princesa] since early morning naman yong flag off namin. So nasa mga grupo iyan kung papaano nila kukunin…kung papaano yong speed nila kung saan sila puwedeng huminto nasasakanila iyon,” dagdag pa ni Medina.
Siniguro umano nila ang seguridad ng mga lalahok sa Unlock Palawan 2 sa tulong ng PDRRMO, PNP at LGUs nang sa gayon maging maayos, mapayapa at maging masaya ang aktibidad.
“Ang humahawak diyan ay si PDRRMO…kagaya iyan noong nakaraang taon 100% yong support nila sa amin interms of security andiyan si PNP and at the same time sa HIJOS mayroon kaming mga marshals na sila ang nag-aalalay sa mga riders sila ang nag g-guide pagdating sa mga checkpoints. Although sa mga munisipyo ang LGU sila din yong mag t-traffic so nakipag-ugnayan narin kami sa kanila through PDRRMO all out naman yong support nila sa amin,” pahayag pa nito.
Samantala, sa mga nais lumahok sa Unlock Palawan 2 ay mayroong ₱500.00 na registration fee at mahalaga na mayroong driver’s license, vehicle LTO registration na valid hanggang sa huling araw ng aktibidad. Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagpapalit ng rider sa isang motorsiklo.
“Isang magandang pagkakataon lalo na sa mga mahihilig mag-motor… magandang pagkakataon sumali dito unlock na ito ma-promote natin ang Palawan para maipakita natin na kung gaano kaganda ang ating mga tourist spot sa south and north,” ani Medina.
Target ng organisasyon na magkaroon ng 400 na kalahok sa Hijos Unlock Palawan 2.
Discussion about this post