Tuloy ang pag-iikot sa mga barangay ng Puerto Princesa ng grupo mula sa Angelas Pool Resort para mamahagi ng libreng tubig.
Ito ang naisip ng grupo upang makatulong ngayong panahon ng krisis dahil sa Enhanced Community Quarantine dulot ng COVID-19.
Ayon kay Rodolfo Idosura, ang manager ng resort, inuming tubig at hindi pamaligo ang handog nila sa mga taga-lungsod.
Naisip anya nilang ito ang itulong dahil kasabay ng ECQ ay hirap din ang ating mga kababayan sa kakulangan ng supply ng tubig.
At kahit may tulo na sa gripo sa ilang lugar, tuloy pa rin anya ang kanilang operasyon kung saan prayoridad ang mga halos wala talagang tubig.
“Opo, naghahatid pa kami pero ung talagang kailangan na kailangan nalang kasi halos may tulo na din mula sa Water District,” sabi ni Idosura sa interview ng Palawan Daily.
Halos dalawang linggo nang nag-iikot ang grupo at marami-rami narin silang natulungan.
“Marami narin po at pang inom po ito kaya limit lang din kami sa hanggang 4 na containers every family para mas marami tayong maabot,” dagdag nito.
Nagpapasalamat din si Idosura sa lahat ng tumugon sa kanyang panawagan at sa mga nagpahiram ng sasakyan, nagbigay ng libreng gasolina at nagpahiram ng mga tangke na pinaglalagyan nila ng tubig.
“Salamat po sa mga tumulong at sa appreciation ng mga natulungan namin pero hindi po magpakilala ang hangad namin bagkus ay ang makatulong lang talaga sa simpleng pamamaraan na kaya namin,” ani Idosura.
Samantala, maliban sa libreng inuming tubig, namimigay din sila ng hilaw ng mangga na mula mismo sa kanilang farm dahil ito anya ay makatutulong din sa katawan at kalusugan ng isang indibidwal sa taglay nitong bitamina.
Discussion about this post