Minsan, sadyang may mga bagay na nangyayari sa mundong ibabaw na mahirap ipaliwanag, kahit ng siyensiya.
Isa sa mga ito ay ang di-pangkaraniwang kwento na ibinahagi ng isang Mass Communication graduate na kasalukuyang reporter ng isa sa mga himpilan ng radyo sa Lalawigan ng Palawan na si Robin James Sabuero o kilala rin bilang RJ na tawag sa kanya ng kanyang mga kaibigan at kakilala.
“Simula bata pa po talaga ako, nakararamdam, nakaririnig at nakakikita na po talaga ako ng mga bagay na weird,” ang paunang kwento ni Sabuero.
Ang naalaala niyang kabilang sa mga matindi niyang karanasan ay noong nakakita siya ng babaeng nakaputi na nakalutang ngunit wala namang mukha. Ang nakatatakot pa umano ay waring kasabay niya ito habang naglalakad siya noong gabi rin na nakita niya ito nang mapadaan sa bahay ng kanyang kaklase na matagal na nilang inabanduna.
“Nakakakita rin ako ng naghuhukay pero di ko makita or maaninag ang mukha n’ya. Tapos noong sinabi ko sa nanay ko ‘yon para makita nila kung sino ‘yon, wala ng hukay at wala na ‘yong naghuhukay,” dagdag pa niya.
Minsan din umano, tuwing madaling araw ay nakaririnig siya ng mga ingay mula sa mga boses na hindi niya nakikita kung saan nanggagaling. “As in nakapalibot sila sa akin palagi pero di ko nakikita. Tapos minsan may bubulong na di ko maintindihan, [mula sa] lalaki at babae.”
NAKITA ANG MAGAGANAP NA SUNOG
“Then di lang po ‘yon ‘yong na-experience ko. Dati kasi, parang 2008 ‘yon, nasunog po ‘yong maraming bahay sa liberty sa Brgy. Bagong-Sikat, nadamay din ang Brgy. Maunlad no’n. Bago mangyari ang sunog, nasabi ko na ‘yon sa nanay ko. Ginising ko s’ya then sinabi ko na magkakasunog, [an] hour before mangyari,” ang pagpapatuloy pa ng kwento ni RJ.
Aniya, nagduda rin siya sa kanyang sarili sa nakita niyang pangitain sa kadahilanang wala namang naganap na sunog ng mga sandaling iyon. Ngunit maya-maya pa, nagulat na lamang umano silang lahat nang marami na ang nagtatakbuhan at sumisigaw ng “Sunog!”
“Dahil doon, unti-unti na ring naniwala sa ‘kin [ang] mga kapatid ko na may gano’n akong nae-exprerience,” aniya.
Makalipas pa umano ang maraming buwan ay may nakita na naman siyang pangitain na bigla na lamang nagpakita sa kanyang isipan na mayroong babaeng buntis na mamamatay noong gabing iyon. At kinabukasan, dakong 6 am ay may mga kwentu-kwentuhan ngang may yumaong buntis.
Ngunit minsan umano ay nagpapakita sa kanya ang mga mangyayari–gising man siya o natutulog.
“May time pa na naglaro-laro lang kaming magkakaklase no’ng highschool, hula-hulaan, tapos nagtataka [ang] mga kaklase ko kasi alam ko talaga ‘yong backgrounds nila sa buhay. At alam ko kung ano ‘yong ginawa nila bago ‘yong time na nag-uusap kami,” ang pagbabalik-tanaw ni Sabuero.
NAWALA NG NAIIBANG KAKAYANAN
“[Pero] di ko alam kung magpapasalamat ba ako o manghihinayang, kasi dumating din sa time na nawala na siya,” aniya.
Aniya, simula nang mapalapit na siya sa simbahan simula taong 2013 ay nawala na ang ganoon niyang kakayanan.
“Noong bago palang ako [sumali sa isang grupo] sa simbahan, may mga naramdaman na rin ako doon pero di ko na sila nakikita. May time pa na may bumabato sa ‘kin sa simbahan. Tuloy-tuloy lang ang bato kahit walang tao. May time pa na may sumabay sa ‘kin sa pagkanta habang nagre-record ako ng kanta ko sa kombento,” ani RJ.
“Pero unti-unti akong tumapang kasi ‘yon ang mga pangaral sa simbahan. After a year, wala na akong nai-encounter na gano’n,” kwento pa niya.
Sa kasalukuyan ay aktibong miyembro si RJ Sabuero ng Catholic Youth Movement (CYM), isang grupo na isa sa mga umaawit sa Immaculate Conception Cathedral Parish (ICCP). Miyembro rin siya ng ICCP Youth Ministry.
“Siguro, [one] year muna [ang lumipas] bago unti-unting nawala [ang mga kakaiba kong nararanasan].”
PAYO
Sa ngayon, isang payo na lamang ang ibinahagi ni Sabuero sa mga katulad niyang kabataan na may kahalintulad niyang kwento.
“Para po sa mga katulad ko na may ganitong experience, huwag pong magpadala sa takot tuwing magpaparamdam sila. Ipagdasal natin sila kasi baka mamaya, gano’n talaga ang kailangan nila. Dapat din talaga nating ipagdasal ‘yong mga kapatid nating nasa kabilang buhay na. Dapat na ipagpasalamat din natin sa Diyos ‘yong ganitong karanasan kasi somehow, eye opener ito na hindi laging dapat matakot kundi magmalasakit sa mga nagpapakita kung bakit nila ginagawa ‘yon. So, dasal talaga at para na rin makahingi ng guidance [mula sa Panginoon],” aniya.
Discussion about this post