Mapapasimulan na at ganap na matatapos sa inaasahang panahon ang mga gawaing pang-imprastraktura ng lokal na pamahalaan ng Dumaran.
Ito ay matapos na lumagda sa isang memorandum of agreement sina Punong Panlalawigan Gobernador Victorino Dennis M. Socrates at ang Alkalde ng Dumaran, Richard R. Herrera.
Ang kasunduan ay resulta ng katatapos na maaprubahang Ordinance No. 3069-22, na may titulong, “Establishing Inter-Local Cooperation for better Infrastructure between the Provincial Government of Palawan and all Municipal Local Government Units and Barangay Local Governments within the jurisdiction of the Province and further authorizing the Governor to enter into and sign memorandum of agreement for such purpose” na iniakda ng lahat ng mga miyembro ng Provincial Board noon pang ika-29 ng Nobyembre, nakalipas na taon.
Nakasaad sa ordinansa ang pagkakaloob ng suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga lokal na pamahalaang bayan at barangay ng Palawan sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga heavy equipment trucks para sa pagsasakatuparan ng mga proyektong magbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga Palaweño.
Layunin naman ng nasabing kasunduan ang maisagawa nang mahusay at epektibong maipatupad ang mga serbisyo at proyektong pang-imprastraktura sa bayan ng Dumaran sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Palawan.
Kabilang sa mga heavy equipment trucks na ipahihiram ng Pamahalaang Panlalawigan sa bayan ng Dumaran ay ang:
- backhoe
- dump truck 6-wheeler
- road roller
- bulldozer
- self-loading truck
Source: PIO Palawan
Discussion about this post