Kinilala ng Philippine Coast Guard Station Southwestern Palawan (CGSSWP) ang nawawala bilang si Roldan Estremos, 45, residente ng New Buncag, Puerto Princesa.
Huli umano siyang nakita noong madaling araw ng Miyerkules, Mayo 21, habang nakaangkla ang kanilang bangka sa layong 33 nautical miles mula sa pampang ng Mangsee.
Batay sa ulat ng bangkero na si Constantino at ng kapwa mangingisda na si Ismael Mustasa, 53, mula sa Mangsee, magkakasama silang lumayag noong alas-singko ng umaga noong Miyerkules para mangisda.
Kinabukasan, laking gulat ng dalawa nang mapansin nilang nawawala na si Estremos. Walang bakas ng paglalaban o aberya sa bangka — tila bigla na lamang siyang naglaho sa kalaliman.
Sa inilabas na Notice to Mariners (NOTAM) ng CGSSWP noong Huwebes, Mayo 22, nananawagan ang ahensya sa lahat ng dumaraang sasakyang-pandagat sa area of responsibility ng Coast Guard na magsagawa ng masusing visual lookout at agad na iulat kung may makitang katulad ni Estremos o anumang senyales ng insidente.














