Matagumpay na naipagkaloob sa 13 pamilyang Tagbanua na nawalan ng tahanan ang benepisyong pabahay sa ginanap na Housing Project Turn Over Ceremonies kahapon, Miyerkules, Abril 6, 2022, sa pangunguna ng Regional Task Force ELCAC MIMAROPA Cabinet Officer for Regional Development & Security (CORDS) at Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na ginanap sa Sitio Iratag, barangay Irawan, lungsod ng Puerto Princesa.
Sa ibinahaging donasyon ng Rotary Club of Makati Central ay naisakutuparan ang pabahay para sa mga IP’s na pinangunahan ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF ELCAC) sa pakikipagtulungan ng Palawan Task Force ELCAC, City Task Force ELCAC at iba pang mga private organization sa pakikipag-ugnayan sa NATRIPAL IP leaders upang matukoy ang mga dapat na maging benepisyaryo ng mga pabahay.
“Ang perang ito ay galing sa ating mga kasamahan sa Rotary Club of Makati Central, initially ang budget isang milyon, so makikita niyo sa 20 thousand per unit may magagawa tayong bahay so nakita natin we stretch the money ginamit natin ng matuwid, matipid at maayos yung pera para magkaroon ng pabahay ang mga IP’s,” ani Sec. Cusi.
Dagdag pa ng kalihim, alinsunod sa binigay na instruction sa kanila ng pangulong Duterte na gampanan at tulungan ang mga kababayan na nangangailangan.
“Kailangan na mai-address natin ang pangangailangan ng mga IP’s pero hindi mangangahulugan na babaguhin natin ang kanilang nakagisnang kultura, mahalaga na maipreserve natin ito, hindi sila pababayaan ng pamahalaan.”
“Napag-alaman natin na 9,000 na IP’s ang nangangailangan ng pabahay at ito ay pagtutulungan ng pamahalaan at nang ating mga pribadong sector na tutulong sa atin, at ang proyektong ito ay dala na ng pagmamahal ng ating pangulo Rodrigo R. Duterte na sa lahat ng Pilipino, at bilang Chairman ng 4-B na itinalaga ni pangulo para gampanan ang security at development ng mga rehiyon,” dagdag pa ni Cusi.
Samantala, magkakaroon pa ng karagdagan proyektong pabahay na kahalintulad sa iba pang bahagi ng lalawigan.
Discussion about this post