Ganap nang pinangalanan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, ang ikalimang miyembro ng Advisory Group na nagsasagawa ng screening sa mga nagsumite ng courtesy resignation na opisyal ng Philippine National Police.
Ipinahayag ng kalihim na ang ikalimang miyembro ay si Retired Justice Melchor Quirino C. Sadang, isang dating Associate Justice ng Court of Appeals, naging Vice Executive Judge at Presiding Judge ng Regional Trial Court.
Matatandaan din na noong taong 1993-1994, si Sadang ay nagsilbing panel member na kumatawan sa Department of Justice (DOJ) ng pamahalaang Pilipinas sa Rebolusyong Alyansang Makabayan negotiating panel, bukod pa sa naging law professor ito ng University of the East (UE).
Samantala, ang iba pang miyembro ng Advisory Group ay sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PNP Chief Director General Rodolfo Azurin Jr., dating National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Jr. at Retired Major General Isagani Nerez.
Nabatid pa na nakatakda nang magpulong sa sa Lunes, Pebrero 13, ang Advisory Group upang mapasimulan na ang screening, pagtatasa, at pagsisiyasat sa mga PNP top officials upang malaman kung sino sa mga ito, sakali man, ang sangkot sa ilegal na droga.
Source: DILG official website
Discussion about this post