Sa kabila ng iba’t- ibang programa na ipinatutupad ng pamahalaan, hanggang sa munting koordinasyon sa mga barangay, patuloy pa rin ang pagdami na animo’y kabute na mga batang lansangan.
Ito ay isa sa nagdudumilat na katotohanan na paulit- ulit nang nireresolba ng mga ahensiya ng pamahalaang nasyunal hanggang lokal, nguni’t tila hindi nagkakaroon ng katapusan.
Kaugnay nito, mariing hiniling ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang pagkakaroon ng isang task force na tututok sa mga batang lansangan upang mabawasan na ang mga isyu at problema ang pagdami ng mga bata sa lansangan.
Sa ipinahayag ni Executive Director ng CWC Usec. Angelo Tapales, makailang beses na nilang nire-relocate ang mga bata at kanilang mga pamilya nguni’t bumabalik pa rin ang mga ito sa lansangan.
Sa ipinalabas na pahayag ni Tapales,” Yan ay napapanahon, ‘yan po ya ginagawan na ng paraan ng DSWD kasama po ang CWC and of course ito po may effort naman po na sinasabi si Chairman Cardema kanina ng NYC kailangan po namin talaga magtulung-tulong dito kasi ito ay napakakumplikadong problema, sapin-sapin pong problema ‘to,” pahayag ni Tapales.
Sinabi ni Joseph Salavarria, Senior Welfare Officer III, DSWD “Kaya simula po nitong mga nakaraang buwan kasabay po ng aming pagpapatupad ng education assistance program sa DSWD, ay patuloy rin po ang aming pag-uusap sa pagpapalabas ng guidelines sa pagpapatupad po ng aming Comprehensive Program for Children on Street Situations. So, ‘yun po ang tawag sa programang ‘yun na pinormulate po ng aming social technology bureau sa central office”.
Napag-alaman na matagal nang pinag-iisipan ng Department of Social Welfare and Development kung ano ang marapat na gawin upang tuluyan nang kunin ng gobyerno ang pangangalaga sa mga batang paulit-ulit nang nare-rescue sa kalsada dahil sa pamamalimos.
Ayon kay Sec. Erwin Tulfo, sa oras maisakatuparan ito, bibigyan ng DSWD ng maayos na kinabukasan ang mga bata lalo na yaong tatlong beses nang mari-rescue ng mga lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, isinusulong din ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema ang pagpapatayo ng mga pasilidad na mag-aalaga sa mga batang lansangan, dahil hangga’t nasa mga lansangan ang mga bata, may posibilidad na sila ay magiging biktima ng karahasan at pang-aabuso.
Discussion about this post