Isang panibagong Patient Transport Vehicle (PTV) ang opisyal na tinanggap ng iba’t ibang munisipyo sa Palawan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong araw ng Miyerkules, Hulyo 9,2025 na ginanap sa Quirino Grandstand Manila.
Kabilang sa mga munisipyong nakatanggap ng ambulansya ay ang mga bayan ng Dumaran, Narra, Coron, Rizal, Araceli, Roxas, San Vicente at iba pa.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng P2.2 bilyong programang pangkalusugan ng Pamahalaang nasyonal na naglalayong makapagbigay ng 1,000 PTV units sa mga LGUs sa buong bansa upang mapabilis ang emergency response at palawakin ang access sa serbisyong medikal sa iba’t ibang lalawigan.
Ang bawat unit ay kumpleto sa essential medical tools tulad ng stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at iba pang kagamitang pang-emergency upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente habang isinusugod sa mga pagamutan.
Ayon kay Dumaran Mayor Richard R. Herrera, malaking tulong umano ang bagong ambulansya upang mapabilis ang pagresponde sa mga medical emergencies at mapalawak pa ang pag-abot ng serbisyong medical sa kanilang bayan.














