Sa isang desisyong naglalayong tapusin ang dekadang alitan sa lupa, tuluyang inalis ng Department of Agrarian Reform (DAR) MIMAROPA ang Mariahangin Islet—o Bowen Island—sa Barangay Bugsuk, Balabac mula sa saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), isang programang itinakda para sa pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka.
Pinagtibay ng DAR Secretary noong Abril 25, 2024 ang desisyon ng Regional Director, na nagsasaad na ang isla ay hindi na dapat ipailalim sa repormang agraryo. Ang naturang hakbang ay kasunod ng joint validation na isinagawa ng DAR, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), ilang non-government organizations, at ng municipal government ng Balabac.
Batay sa kanilang pagsusuri, ang 37.7813-ektaryang isla ay hindi angkop para sa pagsasaka, dahilan upang irekomenda ang pagtanggal nito sa CARP coverage. Ang Mariahangin Islet ay na-classify bilang alienable and disposable land at naipamahagi sa pamamagitan ng mga Free Patent (FPs) mula 1984 hanggang 2005. Noong 2022, lumipat ang pagmamay-ari nito sa siyam na indibidwal.
Matapos nito, naghain ng protesta ang ilang sektor laban sa pagsama ng isla sa CARP. Gayunman, binigyang-linaw ng DAR na ang kanilang desisyon ay final and executory at may epekto ng res judicata—isang legal na prinsipyo na nagsasabing hindi na ito maaaring muling pagtalunan.
Kabilang sa mga isinampang reklamo ay ukol sa mga karapatang katutubo, legalidad ng mga naunang FPs, at kung akma bang gawing sakahan ang isla. Subalit ayon sa DAR, ang mga isyung ito ay hindi na maaaring gamiting batayan dahil sa pinal nang desisyon.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng Regional Director ng DAR-MIMAROPA na bagama’t hindi bahagi ng pasya ang pag-ako ng katutubong karapatan, nananatili ang responsibilidad ng mga ahensyang tulad ng DENR at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na tumugon sa mga isyung ito, lalo na sa usapin ng mga naipagkaloob na Free Patent.
Nilinaw rin ng DAR na ang desisyon ay nakatuon lamang sa usapin kung dapat bang maisama ang isla sa ilalim ng CARP, at hindi ito tumutukoy sa legalidad ng pagmamay-ari o sa pag-angkin ng mga katutubong pamayanan.