Matapos arestuhin at ibiyahe patungong The Hague, Netherlands, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte upang harapin ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC), inanunsyo ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang kanyang plano na sumunod sa kanyang ama upang personal na makipagpulong sa kanyang mga abogado.
Ayon sa datos mula sa Flightradar24, lumapag ang eroplanong sinasakyan ni Duterte sa Al Maktoum International Airport sa Dubai dakong 8:03 a.m. (Manila time) nitong Miyerkules, Marso 12.
Ang dating pangulo ay dadaan sa Rotterdam bago tuluyang dalhin sa The Hague, kung saan haharap siya sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.
Sa isang panayam noong Martes ng gabi, kinumpirma ng pangalawang pangulo na may nakahanda nang mga plano para sa kanyang pagpunta sa Netherlands.
“Yes, mayroon na pong arrangements kasi kailangan kong kausapin iyong mga abogado doon. Kung saan man siya dalhin pupunta kami, ako,” aniya sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Mariing binatikos ni Duterte ang pagkakaaresto sa kanyang ama, na nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos itong dumating mula Hong Kong. Ayon sa kanya, hindi sinunod ang tamang legal na proseso.
“Hindi, hindi talaga, kasi nakalagay sa rules ng ICC, the defendant should be taken to a court—a local court. Iyong proseso natin dito sa loob iyon ‘yung masusunod,” giit ng pangalawang pangulo.
Ayon sa kanya, maging ang kanilang ICC lawyer ay nagulat sa nangyari.
“Kausap namin iyong ICC lawyer namin and sinabi nya, this has never happened before, and sinabi nya, it’s craziness,” aniya.
Sa kanyang matapang na pahayag, sinisi ni Duterte ang administrasyong Marcos sa pagpayag na maaresto at madala sa ICC ang kanyang ama.
“Kung Pilipino ka, hindi ka kailanman susunod sa mga dayuhan sa loob ng sarili mong bayan,” ani Duterte sa isang magkahiwalay na pahayag.
Para sa kanya, ang pagsuko ng kanyang ama sa ICC ay patunay na unti-unti nang nawawalan ng kontrol ang bansa sa sariling soberanya.
“Hindi ko rin naman magawa na iwanan ang ating dating pangulo. Hindi dahil tatay ko siya pero dahil hindi ko matanggap na nagiging doormat tayo ng mga dayuhan,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi dapat basta-basta nagpapatinag ang Pilipinas sa desisyon ng mga dayuhan, kahit pa maliit lamang ang bansa sa pandaigdigang eksena.
“Iyong ganito lang tayo, mga maliliit na tao kung ikumpara mo sa ibang bansa, pero alam mo iyan dapat may pride tayo,” aniya.
Habang patuloy ang pag-usad ng kaso laban kay Duterte sa ICC, malinaw na hindi mananahimik ang kanyang pamilya at mga kaalyado.
Sa kabila ng kanyang papel bilang pangalawang pangulo sa ilalim ng administrasyong Marcos, naging hayagan si Sara Duterte sa kanyang pagtutol sa naging hakbang ng pamahalaan.
Sa mga darating na araw, habang naghahanda ang dating pangulo para sa paglilitis sa The Hague, marami ang nag-aabang kung paano ito makakaapekto sa pulitika ng Pilipinas—lalo na sa relasyong Duterte-Marcos.