Nagkakaisa at sama-samang kumikilos ngayon ang halos lahat ng sangay ng pamahalaan upang maghatid ng tulong at ayuda sa mga apektado ng nakalipas na bagyo.
Mahigpit na ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbalangkas ng standard operating procedure (SOP) para sa pagsasama ng mga gamot sa mga relief packs. sa oras ng kalamidad at emergencies.
Napag-alaman kasi ng Punong Ehekutibo na ilang araw pagkatapos ng isang kalamidad, ang mga apektadong indibidwal ay naghahanap na ng mga over-the-counter na gamot tulad ng paracetamol at anti-diarrhea medicines.
Bilang mabilis na disposisyon, iniutos ni Pangulong Marcos kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na mauna nang magpadala ng non-prescribed medicines sa mga sinalanta ng Bagyong Paeng kasabay ng gagawing pakikipagtulungan ng pamahalaan sa military doctors at medical workers para mabilis ang pamimigay ng gamot.
Nakatakda ding makipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga malalaking drug companies para makabili ng murang gamot na ilalaan sa mga biktima ng nagdaang bagyo.
Hinggil naman sa mga propedad, at iba pang istruktura na nawasak ng nakalipas na bagyo, hindi magbibigay ng construction materials sa mga apektadong pamilya ng Bagyong Paeng ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagpapagawa ng kanilang nasirang bahay.
Inanunsyo ito ni Pangulong Marcos Jr. kasabay ng pahayag na ipinag-utos na niya kay Sec. Tulfo na mamimigay na lang ng P5,000 hanggang P10,000 na cash assistance para mismo ang mga apektadong pamilya ang pipili ng kanilang gustong construction materials at kung papaano ang gusto nilang gawin o pagkukumpuni para sa kanilang bahay.
Ipinaabot naman ng Department of Tourism (DOT) nakauwi na ang mga lokal at dayuhang naistranded dahil sa Bagyong Paeng na nagmula sa Puerto Galera at Marinduque, matapos sinuspendi ng Philippine Coast Guard ang sea travel.
Bukod dito may ilan ding mga tourism establishment ang nasira dahil sa bagyo , kabilang na ang mga cottages sa Basiao Beach, Ivisan, Capiz, Laylay Port at Battle of Paye Historic Shrine sa Boac.
Magiging prayoridad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni sa mga nasirang tulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nasalanta ng Bagyong Paeng.
Batay naman sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa P760.4 milyon ang halaga ng nasirang imprastraktura.
Ipinahayag ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na mailalabas nila ngayong araw ang posibleng halagang kakailangan para sa pagsasaayos sa mga tulay.
Ito ay kasabay ng pagtiyak ng Pangulong Marcos Jr. na mailalabas kaagad ang pondo para mapabilis na maibalik ang mga nasirang tulay at iba pang nasirang istruktura.
Ayon kay Sec. Bonoan, babaguhin nila ang mga design parameters dahil sa pabago-bagong panahon at kanilang isusulong ang infrastructure development program para sa economic recovery.
Discussion about this post