Natagpuan ang bungo at mga kalansay ng tao sa isang masukal na lugar sa Sampalok Street, Barangay San Jose, Puerto Princesa City, kahapon, alas nuwebe ng umaga ng Disyembre 26.
Hiwa-hiwalay na ang piraso ng mga boto at bungo kasama ang damit at isang relo na hindi na rin gumagana.
Halos binalot na ng mga damo ang nasabing bungo at kalansay at marahil matagal na itong nasa lugar dahil tuyo at di na rin nangangamoy.
Nakita ito ng isang binatilyo na si Rex nang siya ay umihi sa lugar habang nagbabantay ng back hoe sa kalsada.
Aniya, natinik sya habang naglalakad papasok sa masukal na lugar upang umihi nang bigla niya ito nakita.
“Natinik kasi ako habang naglalakad papasok. Tapos nung kukunin ko ang tinik sa paa ko, doon ko na po napansin yong isang buto. Nang paglingon ko uli, sunod-sunod na hanggang nakita ko na ang bungo,” saad ni Rex.
Agad namang tinungo ng mga opisyales ng barangay ang lugar para makita ang mga ito.
Ayon kay Barangay Kapitana Estrella Salvador, wala rin daw silang natanggap na report o reklamo na may taong nawawala sa kanilang barangay.
“Sa palagay ko hindi yan taga-amin dahil wala namang report na nawawala sa mga kabangay ko. May mga report man pero sa mga kabataan naman iyon pero nakikita naman agad. Baka tinapon lang yan ditto,” saad ni Kapitana Salvador.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikilala kung sino ang bungo ng taong natagpuan sa lugar. Maaring gamitin ang relo at damit na kasamang nakita.
Nai-report na rin ni Kapitan Salvador ang insidente sa Philippine National Police upang maimbestigahan at makilala kung kanino ang bungo at kalansay.
Discussion about this post