Tiklo ang dalawang magsasaka matapos arestuhin ng mga awtoridad umaga noong Lunes sa Purok Silangan, Barangay Dumagueña, Narra, Palawan.
Kinilala ang mga suspek bilang sina Pacito Esparogoza, 48 anyos at Alberto Esparogoza, 75 anyos, habang ang mga biktima ay kinilala bilang sina Hulito Domingo, 59 anyos at Raffy Domingo, 21 anyos, parehong magsasaka at residente rin ng nasabing lugar.
Ayon sa spot report na nakalap ng Palawan Daily mula sa mga awtoridad, ganap na ika-11 ng umaga noong Lunes nang makatanggap ang Narra Municipal Police Station ng isang report mula sa kapitan ng Barangay Dumangueña ukol sa nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng mga suspek at biktima.
Agad namang pinuntahan ito ng puwersa ng kapulisan na nagresulta sa pagkaka-aresto ng dalawang suspek.
Ayon naman sa resulta ng imbestigasyon, inatake ng dalawang suspek ang mga biktima gamit ang kanilang mga improvised shotgun at bolo ngunit masuwerteng nakatakas ang mga ito at nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Kabilang sa mga narekober mula sa mga suspek ang tatlong piraso ng 12 gauge improvised shotgun, apat na bala, dalawang piraso ng improvised caliber 22 at limang pirasong bala nito.
Sa kasalukuyan ay hawak na ng mg awtoridad ang parehong suspek na haharap sa kasong Attempted Murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Discussion about this post