Isang aksidente ang naitala sa North National Highway, Brgy. Sta. Lourdes, Puerto Princesa City, noong pasado 3AM kahapon, Hunyo 12, kung saan sangkot ang isang PNP Patrol Car mula sa Taytay MPS na minamaneho ni PSMS Roderick Evina, 43-anyos, kasama ang tatlong PNP personnel bilang mga pasahero.
Dalawang motorsiklo, isang MIO 125 na kulay asul at isang SKY Go 125 na kulay pula, ang napinsala sa aksidente.
Ang mga motorsiklong ito ay nakaparada sa kaliwang bahagi ng North National Highway, Brgy. Sta. Lourdes.
Ayon sa ulat, bandang alas-12:30 ng madaling araw, umalis ang PNP personnel mula sa Taytay MPS sakay ng PNP Mobile Patrol Car (Toyota Hilux back-to-back, kulay puti) patungo sa City Sports Complex, Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City upang magsagawa ng PNP Physical Fitness Test (PFT).
Habang binabaybay nila ang highway, bigla umanong tumawid ang isang asong gala, dahilan upang subukang iwasan ito ng driver.
Dahil dito, nag-malfunction ang preno at manibela ng sasakyan, na nagresulta sa pagbangga sa dalawang nakaparadang motorsiklo.
Discussion about this post