Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas ay bumisita ang ilang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa Pag-asa Island, bayan ng Kalayaan, bilang kinatawan ni Gob. V. Dennis M. Socrates.
Mainit silang sinalubong ni Kalayaan Mayor Roberto Del Mundo, Vice Mayor Beltzasar Alindogan, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Kabilang sa mga bumisita sina Provincial Information Officer Atty. Christian Jay V. Cojamco, Provincial Engineer Aireen C. Laguisma, at G. Karl Fernandez Legazpi, Executive Assistant for Special Concerns ng Office of the House Speaker.
Sa kanilang pagdating, nagkaroon ng flag raising ceremony at sama-samang inawit ang Pambansang Awit ng Pilipinas kasama ang mga kasundaluhan.
Nagbigay ng mensahe si Atty. Cojamco, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng bayan ng Kalayaan sa geopolitics sa West Philippine Sea at ang pagpapatunay na ang Pilipinas ang tunay na nagmamay-ari ng Kalayaan Island Group.
“AAng bawat isang mamamayan at residente ng Barangay Pag-Asa ng Munisipyo ng Kalayaan ang pinakamatibay na patunay na ang mga isla ng Kalayaan Island Group, bawat dahon ng mga puno at halaman na nabubuhay dito, bawat butil ng buhangin sa palibot nito, ay pagmamay-ari ng bansang Pilipinas,” ani Cojamco.
Sinabi rin ni Engr. Laguisma na patuloy ang maigting na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa mga proyektong pang-imprastruktura na nakatutulong sa pagsusulong ng soberanya ng bansa.
“Mula po sa Provincial Government, patuloy po kayong makakaasa na katulong niyo kami upang maisakatuparan ang mga pangangailangan ninyo lalo na sa infrastructure. Malapit na pong matapos ang Sheltered Port at may mga uumpisahan na naman po tayong iba pang proyekto sa tulong at suporta ng ating national government,” ani Laguisma.
Nagsagawa rin ang grupo ng ocular inspection sa mga proyektong pang-imprastruktura sa lugar.
Ang pagbisita ay bahagi ng hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Socrates na makiisa sa pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan at paigtingin ang pagprotekta ng kasarinlan ng bansa sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta sa bayan ng Kalayaan na nagdiriwang din ng ika-46 na taong pagkakatatag ng gobyerno sibil nito.
Discussion about this post