Sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang tinamo ng 22 anyos na Palaweña matapos paghahampasin ng kanyang Koreanong live-in partner sa Purok Maligaya 1, National Highway, Barangay Tagburos, Puerto Princesa City ganap na 9:00 ng umaga, Abril 18.
Kinilala ang biktima na si Joyce Abrantes Galang habang ang suspek kinilalang si Oh Hoon Kwon alyas Steve Kwon, 52 anyos, at residente sa nasabing Barangay.
Batay sa report ng Puerto Princesa City Police Office at sa salaysay ng biktima, kinumpronta siya ng suspek tungkol sa kanyang kapatid na si Jholyn Galang na kaalitan ng Koreano.
Matapos siyang kumprontahin ay bigla na lang nagalit ang suspek na pinaghahampas na siya ng golf stick sa harap ng kanilang anak.
Ayon sa biktima nakakaranas na siya ng pambubugbog sa mahigit na apat na taon nilang pagsasama ng suspek.
“Almost 4 years namin na pagsasama ganito ang naranasan ko sa kanya mas malala pa, sa ganitong pambubugbog sa ‘kin kahit sa kaharap ang aking mga anak,” pahayag ng biktima.
Arestado naman ang Koreano na sinampahan ng paglabag sa Republic Act 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.”
Discussion about this post