Hindi na kailangan pang lumuwas ng Maynila para sa mga nagnanais na maging sertipikadong “lifesaver.” Sa isang mahalagang hakbang para sa sektor ng kalusugan at kaligtasan sa lalawigan, opisyal nang inanunsyo ng Petrosphere Incorporated ang pagtatamo nito ng akreditasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa programang Emergency Medical Services (EMS) NC II.
Ang balitang ito ay nagsisilbing hudyat ng pagbabago para sa mga Palaweño. Sa ilalim ng akreditasyong ito, ang Petrosphere ay hindi na lamang basta sentro ng industrial safety, kundi isa na ring ganap na institusyong bokasyonal na huhubog sa susunod na henerasyon ng mga first responders, ambulance drivers, at ER assistants.
Kilala ang Petrosphere sa kanilang track record sa pagbibigay ng pagsasanay para sa mga high-stakes na trabaho sa oil and gas industry. Sa paglulunsad ng EMS NC II, dinala nila ang parehong antas ng disiplina at propesyonalismo sa pampublikong sektor.
Ayon sa pamunuan, ang desisyong pasukin ang medical vocational training ay nag-ugat sa pangakong patatagin ang kakayahan ng komunidad sa pagharap sa mga sakuna. Sa higit 10,000 propesyonal na dumaan sa kanilang mga programa, mula sa mga safety officers sa konstruksyon hanggang sa mga nars na kumukuha ng Basic Life Support (BLS), ang EMS NC II ang nagsisilbing pinakabagong “armas” ng lalawigan laban sa mga hindi inaasahang trahedya.
Hindi lamang basta sertipiko ang hatid ng TESDA National Certificate II. Para sa mga lokal na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa o sa mga malalaking ospital sa bansa, ang NC II ay isang iginagalang na kredensyal. Sinasaklaw ng kurso ang mga kritikal na kasanayan gaya ng:
• Advanced Life Support at paggamit ng kagamitang medikal.
• Patient Safety habang nasa biyahe o transport.
• Trauma Management sa mga oras ng aksidente
Hindi dito nagtatapos ang ambisyon ng Petrosphere. Sa darating na mga buwan, nakaplano na rin ang paglulunsad ng mga kurso sa Caregiving at Health Care Services, bukod pa sa kanilang mga kasalukuyang PRC-approved Continuing Professional Development (CPD) courses.
Sa pag-angat ng antas ng pagsasanay sa Puerto Princesa, tinitiyak ng Petrosphere na kapag nagkaroon ng anomang sakuna at may nangailangan ng saklolo, mayroong isang Palaweñong handa, bihasa, at sertipikadong sasagot sa tawag ng tungkulin.













