Isinailim sa lockdown ang 2 barangay sa Bayan ng Busuanga matapos makapagtala ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
“Ngayon [ay] under critical zone yung [Brgy.] Salvacion at [Brgy.] Maglalambay. Magkaiba sila nung date ng start [at] within 14 days [ang mga ito] naka quarantine. Naka-lockdown po yung 2 barangay na yan; from March 28 to April 13 ang Salvacion [habang] April 3 naman hanggang April 17 ang Maglalambay.” Ayon kay Busuanga Municipal Information Officer Jonathan Dabuit.
Noong Marso 26, 2021, isinailalim ang 16 na indibidwal sa Antigen test at naging reactive ang 2 rito kaya’t nagsagawa ng confirmatory test o RT-PCR test.
Marso 28, 2021, lumabas ang resulta ng RT-PCR test sa 16 na indibidwal at 3 rito ang positibo sa COVID-19. Ito ay 2 babae, 50 at 53 anyos, at 1 lalaki, 56 anyos. Ang 3 indibidwal ay kinilala bilang inisyal na mga index patient at mga taga Brgy. Salvacion. Noong araw din na iyon ay napagdesisyunan ng MTF na ideklarang Critical Zone ang Brgy Salvacion base sa Zoning Containment Strategy ng Inter-Agency Task Force.
Noong Abril 1, 2021 ay nadagdagan ng isang positibong kaso ng COVID-19 ang Busuanga. Ito ay isang babae, 63 anyos at mula sa Brgy. Salvacion. Patuloy rin umano ang pagsasagawa ng contact tracing ng MTF.
Abril 3, 2021, 6 ang naitalang positibong kaso ng COVID-19. Ito ay 4 na babae, nag-eedad 5 hanggang 16 anyos, at 1 lalaki, 61 anyos. Ang 5 ito ay mga taga-Brgy Salvacion. Ang 1 lalaki, 56 anyos, naman ang kauna-unahang kaso na mula sa Brgy. Maglalambay na wala umanong kinalaman sa mga kaso na mula sa Brgy. Salvacion.
“Magkaiba po kasi island barangay siya. Wala po siyang connection sa case ng Salvacion. Yung index case may close contacts siya. Initially nagswab ng 12 tapos 2 doon ang nag-positive. Tapos meron pa ngayon [pero] hindi pa natatapos yung proseso.”
Sa kasalukuyan ay nasa 430 ang kabuuang bilang ng mga na-contact trace ng Busuanga MTF. Ito ay mga Primary at Secondary close contacts ng 3 index patients; 2 mula Brgy. Salvacion at 1 sa Brgy. Maglalambay.
“430 po lahat; 320 ang Salvacion tapos 110 ang Maglalambay. Secondary at Primar [close contacts ng naitalang 4 na index cases]. Nasa 3rd generation na raw po sila. Yung 430 hindi lahat yun. Yung swinab lang po doon ay yun pong mga primary contacts. Yung index at saka close contacts lang ang swinab,” dagdag ni MIO Dabuit.
Sa update naman bandang alas 10 kagabi, Abril 7, 2021, ng Busuanga Public Information, sa 19 na isinailalim sa RT-PCR testing , 6 ang lumalabas na positibo sa COVID-19 pumalo na sa 18 ang bilang ng aktibong kaso sa Munisipyo ng Busuanga. 9 dito ay mula sa Brgy. Salvacion at 9 din mula sa Brgy. Maglalambay.
Kahapon naman ay nagpulong ang MTF upang talakayin ang pagbabahagi ng mga kinakailangan ng mga residente ng 2 barangay at pagtatalaga ng mga personnel doon.
“As of now, yung team ng munisipyo po nag-emergency meeting para po magbigay po ng ayuda and, at the same time, ang personnel doon po sa ngayon; Philippine Coast Guard, Philippine National Police, MDRRMO and then yung MHO. Sa ngayon maglalagay tayo ng skeletal force natin para po tumulong po sa kanila sa Maglalambay.”
Nakabahagi na ng 450 na food packs ang mga kinatawan ng Pamahalaan Lokal ng Busuanga at patuloy umanong ipaaabot ang mga tulong sa mga susunod na araw lalo na’t may paparating din na pagkain mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
“And then yung food packs natin 450 ay naibigay na po natin sa Brgy. Maglalambay from the municipal government. Tapos ngayon may hinihintay pa kaming 4,600 na food packs galing sa Provincial Government at yan ay parating na rin.”
Nagsasagawa naman ngayon ng pagpupulong ang Busuanga MTF upang mapag-usapan ang mga protocols na ipapatupad sa buong munisipyo, pagbabahagi ng tubig at pagkain, contact tracing at iba pang mga detalye kaugnay sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan.
Discussion about this post