Nauwi sa pananasaksak ang naganap na mainit na pagtatalo sa pagitan ng nag-iinumang mga kabataan sa Roxas, Palawan.
Kinilala ang mga biktima na sina Reymar Magdayo Ubay, 25 anyos, bed foam vendor at Azil Lumogdang Bungalso, 22 anyos, magsasaka, habang ang suspek ay si Dennis Samperoy Balones, 20 taong gulang, isa ring magsasaka at mga pawang walang asawa at residente ng Brgy. Jolo, Roxas, Palawan.
Sa spot report mula sa Palawan PPO, nakasaad na dakong 10:20 kagabi,
Oktubre 1, 2020, nang nakatanggap ng tawag sa telepono ang Roxas MPS mula kay Kapt. Jesus Cayapas ng nabanggit na barangay na nag-uulat sa insidente.
Napag-alamang, dakong 6:30 kahapon, October 1, 2020 habang nag-iinuman ang mga biktima at ang suspek kasama ang isa pang indibidwal na si Reynaldo Aga Abayan sa loob ng bahay ng biktimang si Ubay nang nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at ni Reymar Ubay. Nagdesisyon umano ang suspek na umuwi at kunin ang kanyang itak at bumalik sa bahay ng biktima at muling nakipag-inuman sa kanila.
Ngunit ilang sandali pa ay ilabas umano ng suspek ang dala-dala niyang itak at pinagtataga ang mga biktima. Bunsod nito ay nagtamo ng maraming saksak sa likurang bahagi ng kanyang leeg si Reymar Ubay na nagresulta sa agaran niyang kamatayan habang si Azil Bungalso ay nagtamo ng mga sugat sa kanyang ulo at kanang kamay na isinugod naman sa Roxas Medicare Hospital.
Agad naman umanong tumakas ang suspek sa di pa malamang direksyon dala-dala ang ginamit niyang itak matapos ang insidente.
Sa ngayon ay isinasagawa na ang manhunt operation ng mga kawani ng Roxas MPS sa posibleng pagkaaaresto sa suspek.
Discussion about this post