Masayang ipinabatid ng lokal na pamahalaan ng El Nido na negatibo ang resulta ng RT-PCR test ng 25 na mga close contact ng kauna-unahang COVID-19 local transmission case sa kanilang munisipyo.
Sa post ng LGU sa kanilang official Facebook page ngayong araw, nakasaad na ang nasabing mga indibidwal ay ang mga inisyal na kasama sa listahan ng mga direktang nakahalubilo ng babaeng kamakailan ay nagpositibo sa COVID-19.
Ipinabatid din nila sa publiko na sa kasalukuyan ay dalawa na lamang ang hinihintay na resulta ng swab test sa natitirang mga close contact.
Sa gitna naman ng magandang balita, patuloy na nananawagan ang mga kinauukulan sa kanilang mga nasasakupan na manatiling tupadin ang minimum health standards habang nagpapatuloy ang contact tracing. Ang nasabing pag-iingat ay ang pag-oobserba ng social distancing, tamang paggamit ng face mask, pag-iwas sa social gathering, at palagiang paghuhugas ng kamay.
Abiso para sa contact tracing
Sa abiso ng Pamahalaang Bayan sa pamamagitan ng kanilang Facebook page, inilabas ng LGU ang mga pangalan ng establisyementong napuntahan ng nasabing pasyente, kalakip ang partikular na petsa at oras.
Ang mga ito ay: Kape Pukka Resto Bar noong Okt. 30, 2020, sa pagitan ng 7:30 pm-10:30 pm, at noong Okt. 31, 2020, sa pagitan ng 10 pm-2 am; Eskinita Bar noong Okt. 30, 2020, sa pagitan ng 9:30 pm-11 pm, at Oct. 31, 2020, sa pagitan ng 9 pm-11 pm; Madness Fitness Gym noong Okt. 30, 2020, sa pagitan ng 1:30 pm-3:30 pm; at ang The Pangolin Cocktail Bar noong Okt. 31, 2020, sa pagitan ng 11 pm-12:30 am.
Matatandaang lumalabas kamakailan ang balitang nakapagtala ng kauna-unahang local transmission ng COVID-19 ang Bayan ng El Nido matapos na nag-positibo sa RT-PRC test ang isang 21-anyos na babae noong Nobyembre 4, 2020.
Sa lahat ng naka-close contact ng naunang pasyente na tutungo sa mga kinauukulan para sa screening, maaari silang makipag-ugnayan sa Municipal Health Office sa mga numerong 0916-315-7363 (Globe) at 0998-569-4813 (Smart) mula Lunes hanggang Linggo, kada 8AM-5PM.
Discussion about this post