Sa mundong ginagalawan, mainam na batid natin ang kasaysayan at ang lahat ng mga kaganapan ng ating bansa at ng tinitirhang lugar, maging ang dahilan kung paano ito nabigyan ng ganoong pangalan.
NARRA
Kagaya ng Palawan, alam mo ba na ang pangalan ng Munisipyo ng NARRA ay hindi galing sa pambansang puno ng Pilipinas na Narra? Ito ay acronym na ang katumbas ay National Resettlement and Rehabilitation Administration (NARRA) na ngayon ay ang “Rice Granary” ng lalawigan.
Nabuo ang NARRA dahil isa ito sa mga proyekto noon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na ang layunin ay mabigyan ng matitirhan ang mga walang lupaing Pilipino. Ang mga Ilokano ang unang batch na tumugon sa imbitasyong iyon ng pamahalaang nasyunal.
TAYTAY
Sa Bayan ng Taytay sa norte ng Palawan, ang pangalan nito ay hango sa salitang “Talaytayan” na nangangahulugang “tulay” na gawa sa kahoy o kawayan na ginagamit noon pa man ng mga indigenous people na Tagbanua para tumawid mula sa isang baybayin patungo sa kabilang-ibayo.
ROXAS
Barrio del Pilar naman ang dating pangalan ng Bayan ng Roxas na noon ay nasa hurisdiksyon ng Puerto Princesa. Nabago ang pangalan nito nang ihain ni dating Congressman Gaudencio Abordo ang isang panukalang batas sa Kongreso noong 1953 upang gawin itong munisipyo at pinangalanang “Roxas.” Dito matatagpuan ang pinakamahal na resort hotel ngayon sa buong mundo, ang “Banwa Private Island Resort” na sakop ng Brgy. Tumarbong.
LINAPACAN
Sa kabilang dako, isang alamat umano ang pinaniniwalaang pinagmulan ng pangalan ng Linapacan. Ayon sa isang kwento, mula sa mga katagang “Reina Pacan” o Reyna Pacan ang pinaghanguhan ng ngalan ng lugar at naganap ito noong dumating ang mga misyunaryong espanyol.
May nakita umano silang magandang babae na naglalakad sa baybayin at nang tinanong nila kung ano ang kanyang pangalan, ang sagot niya ay “Pacan.” Napag-alaman umano nilang siya ay kabiyak ng isang chieftain o lider sa naturang lugar kaya pinangalanan nila ang buong isla na “Reina Pacan” bilang paggalang sa reyna. Kalaunan, tinawag na itong “Linapacan.”
EL NIDO
Isang maliit na baryo lamang noon ang El Nido na tinawag na “Talindak” at sakop ng Munisipyo ng Taytay hanggang sa maging ganap na munisipyo. Ang pangalang “El Nido” ay nangangahulugang “Pugad ng Balinsasayaw” dahil sa napakarami roong mga balinsasayaw.
Makikita sa naturang munisipyo, na kilala rin sa tawag na “Bacuit Bay,” ang maraming kweba kung saan kinakitaan ng mga fossil ng mga tao, pottery at iba pang artifacts na tinatayang noon pang 2680 B.C.
CORON
Ang pangalan naman ng sikat na Munisipyo ng Coron ay halaw sa salitang Tagbanua na “coron” na ang kahulugan ay “napalilibutan” dahil halos napapalibutan ng bundok ang tatlong magkakabilang-gilid ng kanilang bayan. Tulad ng Taytay, ito rin ang tirahan ng mga Tagbanua sa matagal ng panahon, na kung saan, ang mga Tagbanua umano ay bahagi ng ikalawang grupo ng mga Indonesian na lumipat sa bansa, 5,000 taon na ang nakalilipas. Pinaniniwalaan ng nasabing mga IP’s na binabantayan ng mga diwata ang kanilang lugar.
BROOKE’S POINT
Hango sa pangalan ng Briton ang pangalan ng Munisipyo ng Brooke’s Point ngayon. Ito ay matapos kinomisyon ng British Admiralty si Sir James Brooke noong 19th Century na gumawa ng chart at mapa para sa nabigasyon at pinangalanan sa kanya ang peninsula kung saan matatagpuan ang Brooke’s Point. Bago dumating ang mga Espanyol, ang orihinal na pangalan ng munisipyong ito ay Ypolete at napalitan naman bilang “San Antonio” nang dumaong sila sa bahaging iyon ng probinsiya, hango sa kanilang santong patron.
ARACELI
Isa rin sa maituturing na kakaibang pangalang pinagmulan ay ang Araceli. Mula ang pangalan sa salitang Cuyuno na “Ara” o “wala” at “sili.” Ayon sa kwento, may dumating na vinta ng mga Muslim at naghanap ng sili o “catumbal” sa Cuyuno dialect at maging sa Hiligaynon at ang sinagot umano ng mga tagaroon ay “ara.”
AGUTAYA
Sa norteng bahagi pa rin ng lalawigan, isa sa malalayong munisipyo ay ang Agutaya na ang pangalan ay mula sa mga salitang “Aguanan” na isang uri ng rootcrop, “Yon” na isang uri ng isda habang Idinagdag lamang ang “ta” at nabuo na ang pangalang kilala sa ngayon. Nangangahulugan itong mayaman sa rootcrop at isda ang lugar.
ABORLAN
Nahahawig naman sa Greek Methodology ang kwento ng Bayan ng Aborlan. Pinaniniwalaang ang mga original settlers doon ay mga dios at ang pangalan ng lugar ay halaw sa “Abelmen” na mula sa punong “abel” na pagmamay-ari ng mga dios na pinagkukunan ng mga damit ng mga nakatira roon. Ngunit nang dumating ang mga Amerikano, binago nila ito bilang “Aborland” mula sa pinaiksing “A Boar’s Land” dahil sa kapansin-pansing maraming baboy-ramo (boar) sa birhen pang kagubatan; sa kalaunan ay pinaikli na ito bilang Aborlan.
LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA
Ang ikatlong kapital ng lalawigan ng Palawan, ang Lungsod ng Puerto Princesa (Hunyo 28, 1905), mula ang pangalan nito kay Princess Eulalia, isinilang noong 1864 at anak nina Queen Isabella ng Espanya at ng kanyang konsorteng si Don Francisco de Asis. Nang yumao ang prinsesa ay ipinangalan sa kanya ang lugar na ito bilang Puerto dela Princesa na sa kalaunan ay pinaigsi na lang na Puerto Princesa hanggang naging City of Puerto Princesa ng maging lungsod noong Hunyo 21, 1961 at naging highly urbanized city noong Hulyo 9, 2007. Dito makikita ang Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP), ang pinakamahabang underground river sa buong mundo at isa sa Seven Wonders of Nature.
DUMARAN
Wala pang pormal na nakatala sa kasaysayan kung saan nagmula ang pangalan ng Bayan ng Dumaran ngunit ang ilang mga bisaya na sa Palawan na naninirahan ay nagsasabing mula ito sa apelyidong “Dumaran” ng isang taong tumira roon na mula sa Probinsiya ng Bohol. Halos ganito rin ang kwento ng Brgy. New Panggangan sa lungsod ng Puerto Princesa na kung saan, ang unang mga inhabitants ay mula sa Pangangan, Calape, Bohol na nakarating lamang doon sa pamamagitan ng bangka.
WEST PHILIPPINE SEA
Nakakabit na sa usaping pagmamahal sa bayan, sigalot sa West Philippine Sea, at paglaban sa territorial jurisdiction ng Pilipinas ang Kalayaan, ang pinakamalayong munisipyo ng Palawan. Una itong nadiskubre ni Thomas Cloma at ninais na gawing sariling teritoryo ngunit nang malaman ni pangulong Ferdinand Marcos ay hindi niya ito pinayagan hanggang sa magpababa ng kautusan na isama ito sa lalawigan ng Palawan upang maging bahagi ng Pilipinas.
Naririto naman ang ilan pang mga interesanteng kwento:
CULION
Itinatag ang Munisipyo ng Culion sa bahaging norte ng lalawigan sa pamamagitan ng executive order na ibinaba ni Civil Governor Luke Wright noong 1904. Ang layunin ng paglikha ng nasabing kolonya ay upang ihiwalay at gamutin ang lahat ng may sakit na leprosy o ketong sa buong bansa. Ngayong taon, nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang mga kwentong hango sa mga karanasan ng mga biktima ng nasabing sakit.
CUYO
Ang Bayan ng Cuyo na ikalawang sentro ng lalawigan ng Palawan ay binubuo ng 45 na hiwa-hiwalay na mga isla at ang may pinakamaraming naninirahan bago pa man dumating ang mga kastila sa Pilipinas. Noon, sinasamba ng mga tagaroon ang kanilang mga ninuno at buwan at binibigyang-pugay at hinahangaan ang ilang deity na hawig kina Ceres, ang Roman goddess ng agrikulutra, para sa kanilang sakahan at Mars, ang Roman god of war, para sa kanilang pakikipagdigma.
CAGAYANCILLO
Ang Cagayancillo ay dating bahagi ng Western Visayas ngunit noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay ang mga mamamayan umano mismo ang humiling na isama na sa lalawigan ng Palawan. Ito umano ay dahil nang minsang may problemang naganap doon at labis nilang kinailangan ang tulong ng Iloilo man o Antique ngunit walang nakarating at nagkataong dumating doon ang naval boat at sakay ang gobernador noon ng Palawan. Kaya mula umano noon ay nais na nilang maging isa sa mga munisipyo ng lalawigan ng Palawan.
Sa lugar na ito makikita ang sikat na nag-iisang marine park ng bansang Pilipinas, ang Tubbataha Reefs Natural Park (TRNP).
Ilan lamang ito sa kwento sa likod ng mga pangalan ng mga munisipyo ng Palawan, ang lugar na tinawag noon sa iba’t ibang pangalan gaya ng Klama-yan (Calamian), Palau-ye (Palawan) at Paki-nung (Busuanga), base sa mga sinulat ng isang Chinese author. Tinawag din itong “Paragua” at “Polaoam” ng ilang historian.
Discussion about this post