Mas pinaigting ngayon ng pamunuan ng Brgy. Babuyan ang kanilang pagpapatupad ng extended enhanced community quarantine (ECQ), partikular sa isang parte ng isa sa kanilang mga sitio bilang bahagi ng pag-iwas sa sakit na Coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Punong Barangay Robin Restar, ito ay sa kadahilanang may ilan umanong residente ng Purok Baybay, Sitio Anilawan na may nakasalamuhang ilang kaanak mula sa Brgy. Tanabag, na isang barangay lamang ang layo mula sa Brgy. Babuyan, na kamakailan ay inanunsiyong may nakumpirmang may COVID-19.
Ayon pa kay Kapt. Restar, isa rin umano sa naging dahilan ng barangay ay nakababa sa Purok Baybay ang sinasakyan ng buhay pa noong pasyente ng Brgy. Tanabag. Ngunit sa hiwalay na panayam ng PDN sa pamilya ng sinasabing nagdala ng sasakyan na bumaba sa Purok Baybay, iyon ay walang katotohanan sapagkat ambulansiya ang sumundo sa nabanggit na pasyente upang isugod sa Ospital ng Palawan na siya ring sinabi ng anak ng pasyente sa mga interbyu sa media. Nakauuwi man umano sila sa Anilawan dahil naroroon ang kanilang mga magulang ngunit ang sabihing naibaba sa Baybay ang sasakyan lulan ang pasyente ay isang “fake news.”
Para sa Kapitan, wala pa mang kumpirmasyon ngunit mas minabuti umano nilang magdoble-ingat na sapagkat maliban sa nasa ilalim pa rin sa extended ECQ sa kasalukuyan ang siyudad at ang buong Palawan hanggang Abril 30 ay para na rin ito sa precautionary measure, bagamat nilinaw niyang “hindi lockdown” ang hakbang na ipinatupad.
“Hindi ni-lockdown itong Baybay, parang quarantine lang ito…. Kinorner ko muna sila na ‘wag munang lumabas [ng kanilang mga tahanan] ….” aniya.
Ani Restar, ayaw niyang umabot din sa sitwasyon ng Tanabag ang kahihinatnan ng Brgy. Babuyan kaya simula Abril 26 ay binigyan nila ng pangil ang EECQ na kung saan ay hindi maaaring lumabas ang lahat ng miyembro ng pamilya bagkus iisa katao lamang. Isasabay naman umano nila ang tagal nito sa kung kailan din nagsimulang i-lockdown ang Tanabag “para makasiguro tayo na hindi magkahawa-hawaan.”
Aniya, nag-isyu na sila ng home quarantine pass at nakasulat doon ang sinumang pupwedeng makalalabas upang bumili ng pagkain, gamot at iba pang mahahalagang pangangailangan ng isang bahay o pamilya at kailangan ding naka-facemask.
“Hindi namin mapigilan ang tao [nakaraan]. Parang ordinary lang, parang hindi sila natatakot [sa virus]. Labas-masok lang ng bahay kahit sabihin mong naghihigpit [ngayon],” ayon pa sa Kapitan nang tanungin ukol sa sitwasyon ng lugar sa nakaraang mga araw.
Ipinag-utos din umano niyang pansamantalang ipasara ang mga talipapa upang maiwasang may dumayong mga tao sa kanilang barangay upang mamili ng isda.
At upang makasigurado umano silang walang taga-ibang barangay o ibang lugar ang makapapasok sa Brgy. Babuyan, maliban sa umiiral na curfew, pagpatak umano ng ika-6:00 ng umaga hanggang ika-10:00 ng gabi ay masusing nagbabantay ang kanilang mga barangay tanod at mga health worker sa bawat kanto o mga feeder road ng barangay.
Nakiusap din umano siya sa kanilang mga nasasakupan na kung halimbawang mayroon silang nakikitang mga taong hindi tagaroon na makalulusot sa mga nagbabantay ay ipagbigay-alam kaagad sa kanila upang ma-monitor.
“[Ito ay] para maiwasan natin ‘yung mahawa tayo sa COVID-19 kasi talagang napakahirap niyan kasi wala pang gamot. Kaya magtulong-tulong na lang tayo,” wika niya.
Hinihingi naman ng Kapitan sa kanyang mga kabarangay ang pang-unawa sa mas paghihigpit nila sa ngayon at ipinaliwanag na anuman umano ang kanilang ginagawa ay “para sa lahat.”
“Kami man din po ay nahihirapan ding gawin dahil mayroon ng positive sa kalapit barangay natin at mayroong mga involve na kabarangay natin na naroon, kaya ako ay humihingi rin ng dispensa doon sa mga kaibigan ko, kaibigan ko naman sila lahat [at hinihiling ko] na kung pwede ay magtiis-tiis lang muna tayo at malalampasan din naman natin ito at hindi naman ito pang habang panahon,” mensahe ni Kapt. Restar.
Discussion about this post