Habang muling bumabalik ang sigla ng turismo sa Southeast Asia, isang di inaasahang muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ang nagbabadya ng panganib sa mga manlalakbay—lalo na sa mga bansang Hong Kong, Singapore, China, at Thailand.
Sa Singapore, iniulat ng Ministry of Health na tumaas ng 28% ang mga kaso ng COVID-19 sa linggong nagtapos noong Mayo 3, umabot sa tinatayang 14,200 na kaso. Kasabay nito, tumaas din ng halos 30% ang bilang ng mga na-ospital. Ayon sa mga awtoridad, ang pagtaas ay hindi dahil sa mas mapanganib na variant kundi sa “waning immunity” ng publiko matapos ang mahabang panahon nang walang booster shots o exposure sa virus.
Ang mga dominanteng strain sa Singapore ay ang ‘LF.7’ at ‘NB.1.8’, sub-variants na kilala sa mas mabilis na transmissibility ngunit hindi itinuturing na mas malala kaysa sa naunang mga strain. Dahil dito, hinikayat ng gobyerno ang mga matatanda at may pre-existing conditions na magpaturok agad ng booster dose.
Sa Hong Kong, nabahala ang Centre for Health Protection sa biglaang pagtaas ng positibong resulta sa respiratory samples—pinakamataas sa nakaraang isang taon. Sa linggo ring nagtapos noong Mayo 3, iniulat ang 31 kaso ng malubhang COVID-19 infections, pinakamataas din sa loob ng 12 buwan. Nagbabala rin ang wastewater surveillance ng lumalawak na community transmission.
Damang-dama rin sa larangan ng sining ang epekto ng muling pag-igting ng pandemya. Kinansela ng kilalang mang-aawit ng Hong Kong na si Eason Chan ang kanyang konsiyerto sa Taiwan matapos magpositibo sa COVID-19, bagay na lalong nagbigay-pansin sa patuloy na panganib ng virus.
Hindi rin ligtas ang China at Thailand. Sa China, iniulat ng Chinese Centre for Disease Control and Prevention na higit sa doble ang itinaas ng positibong test rates sa mga ospital sa loob lamang ng limang linggo bago ang Mayo 4. Itinuturing ito bilang indikasyon na maaaring pumasok ang bansa sa panibagong wave, kahalintulad ng naranasan noong tag-init ng nakaraang taon.
Sa Thailand naman, ang muling pagtaas ng kaso ay iniuugnay sa selebrasyon ng Songkran Festival nitong Abril. Ayon sa Department of Disease Control, dalawang malaking outbreak na ang naitala ngayong taon. Dahil dito, nananawagan din ang mga opisyal ng kalusugan para sa agarang booster vaccinations, lalo na sa mga vulnerable groups.
Samantala, nananatiling mababa ang kaso sa India, kung saan 93 active cases lamang ang naitala ng Ministry of Health and Family Welfare. Subalit ayon sa mga eksperto, ang sitwasyon sa mga karatig-bansa ay malinaw na paalala na ang labis na pagre-relax ng mga patakaran ay maaaring magdala ng panibagong panganib.
Taliwas sa inaasahang pag-urong ng virus tuwing tag-init, ang kasalukuyang pagtaas ng kaso ay nagpapakita na ang COVID-19 ay patuloy na banta sa kalusugang panlipunan. Dahil dito, muling pinagtutuunan ng pansin ng ilang bansa ang data-sharing, kampanya para sa bakuna, at public health communication upang mapigilan ang mas malawak pang pagkalat.
Matatandaang noong unang bahagi ng 2020, halos tumigil ang mundo nang unang pumutok ang balita ng isang bagong coronavirus na mabilis na kumalat mula Wuhan, China. Sa loob lamang ng ilang buwan, idineklara ng World Health Organization ang isang pandaigdigang pandemya. Na-lockdown ang mga lungsod, nagsara ang mga paaralan, naantala ang ekonomiya, at milyon ang nasawi.
Ang mga bansang tulad ng Singapore at Hong Kong ay naging halimbawa ng mahigpit ngunit epektibong pagtugon—mass testing, digital contact tracing, at disiplinadong pagsusuot ng mask. Subalit sa kabila ng mga hakbang na ito, bumalik ang virus sa iba’t ibang anyo sa paglipas ng panahon.
Noong 2021 at 2022, sa pagdating ng mga variant gaya ng Delta at Omicron, muling nagsulputan ang mga lockdown, bagamat mas targeted na. Kasabay ng mga bagong variant ay ang mabilisang pagbabakuna, ngunit habang lumilipas ang mga buwan, humina ang immune protection ng maraming tao—lalo na kung hindi nakatanggap ng booster.
Habang hindi pa muling nagpapatupad ng mahigpit na travel restrictions ang mga apektadong bansa, hinihikayat ang lahat ng magbibiyahe na manatiling alerto, magpabakuna, at alamin ang pinakahuling patakaran sa bansang pupuntahan.