Personal na dinaluhan ni Gob. V. Dennis M. Socrates ang isinagawang Blessing at Inauguration ng dalawang Newly Constructed 2-Classroom School Buildings sa bayan ng Narra noong Miyerkules, Pebrero 21.
Ang mga ito ay matatagpuan sa Panacan Elementary School sa Barangay Panacan 1 at Cacarigan Elementary School sa Brgy. Aramaywan sa nasabing bayan na naisakatuparan sa inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Gobernador V. Dennis Socrates.
Ang bawat isang school building ay pinondohan ng mahigit P5.4-M sa ilalim ng Special Education Fund (SEF) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na mayroong tig dalawang classrooms at comfort room na may kabuuang sukat na 157.5 sq at naisakatuparan sa loob ng 140 calendar days sa pangangasiwa ng Provincial Engineering Office (PEO).
Sa naging mensahe ni Gob. Socrates, ibinahagi nito ang kaniyang lubos na kasiyan sa pagpapasinaya ng mga bagong silid aralan na malaki umano ang maitutulong sa pagkatuto ng mga kabataan at mapakikinabangan ng maraming mga mag-aaral.
“Alam ko laging kulang ang mga classroom sa mga paaralan dahil dumarami ang mga kabataan na kailangan na makapag-aral, kaya ako ay nagpapasalamat na napasama ako ngayong araw. Nagpapasalamat ako na mayroon tayong ganitong okasyon, pasisisinayaan ‘yong ating building upang sa pagdating ng mga araw, sa paglipas ng panahon ay lalong dumami ang mga kababayan natin ang makinabang dito at pagmulan ito ng marami pang kabutihan,” ani Gob. Socrates.
Lubos naman ang pasasalamat ng Department of Education (DepEd) Palawan sa pamamagitan ni Schools Division Superintendent Elsie T. Barrios sa Pamahalaang Panlalawigan sa patuloy na suporta sa sektor ng edukasyon upang matulungan ang mga guro lalo na ang mga mag-aaral na makamit ang tinatawag na conducive learning at masiguro ang pagaaral at kapakanan ng mga batang Palaweño.
Kasabay nito, pinasinayaan din ang isinaayos na 2-Barrel Box Culvert sa isang tulay na nag-uugnay mula sa national highway ng Aramaywan patungong Purok Cacarigan kung saan matatagpuan ang komunidad ng katutubong Palaw’an at Cacarigan Elementary School na pinondohan ng mahigit P2.9-M ng PEO.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Board Members Ryan D. Maminta, Ariston D. Arzaga, Al-Nashier M. Ibba at Marivic H. Roxas. Nakiisa rin si Narra Mayor Gerandy Danao, Barangay Council ng mga nabanggit na barangay, faculty members, mga magulang at mga mag-aaral.
Discussion about this post