Inilabas ng Western Command (WESCOM) ang datos ng nakalap nilang bilang ng mga barko ng Tsina na namataan sa West Philippine Sea (WPS) mula huling linggo ng Marso hanggang unang linggo ng Abril.
Sa ipinakitang comparative data ni WESCOM Commander, VADM. Ramil Roberto Enriquez kasabay ng isinagawang ikalawang pagpupulong ng Wescom Defense Press Corps (WDPC) kasama ang nagbabalik na pinuno ng Public Affairs Office (PAO) ng WESCOM na si Capt. Cherryl Tindog, nakasaad na patuloy ang presensiya ng mga barko ng China sa WPS.
Ani VADM. Enriquez, mula sa Intelligence, Surveillance, Reconnaissance (ISR) flight sightings at land based sightings ang nakuha nilang datos. Aniya, ang ISR ay kuha ng eroplano habang ang land based data ay mula sa mga sundalong nakadestino sa Pag-asa Island, Lawak, Patag, Panata at Kota.
Sa datos mula sa ISR flight sightings at land based sightings mula noong March 26, nasa 266 barko ang kanilang naitala, noong March 29 ay 200, noong Marso 30 ay 239, noong Marso 31 ay 13, at noong Abril 3 ay 177. Sa land based sightings naman, noong March 27 ay 30, March 28 ay 34, April 1 ay 16, Abril 2 ay 10 at Abril 4 ay siyam.
Sa mga kuha mula sa mga nagpatrolyang eroplano ng WESCOM, sa nakitang 266 barko noong Marso 26, pinakamarami sa mga ito ay namataan sa Julian Felipe (Whitsun) Reef na umabot sa 199; sa 200 noong Marso 29 ay 115 sa Kennan (Chigua) Reef, sa 239 noong Marso 30 ay 92 ang nasa Kennan Reef, at sa 177 noong Abril 3 ay 99 sa Gaven Reef.
Sa land based sightings naman noong Marso 26 ay mayroong 26 sa Pag-asa Island and Cays hanggang Marso 27 at umabot pa sa 31 noong Marso 28. Bumama naman ito sa 11 noong Marso 11 hanggang sa dalawa na lamang noong Abril 4. Sa pinakahuling tala ng WESCOM noong Abril 4, parehong isang barko ang nakahimpil sa Patag, Panata at Kota at apat naman sa Ayungin Shoal.
“Pero ito, hindi ito conclusive kasi itong mga area na pinupuntahan namin, hindi namin ito naliliparan ng isang pasada lahat. Ang listahan nila, mga sampu lang ‘yong features [na napupuntahan]—sa Reedbak, Sandy Cay, sa Julian Felipe [Reef], baba [riyan sa] ng Fiery Cross Reef,” ani VADM. Enriquez.
Aniya, ito ang kanilang nakita ngunit sa kanilang kabatiran ay 300 ang lahat ng barko sa bahaging iyon ng WPS.
“Kaya ang ginagawa namin, dadalasan namin ang lipad para makita sana namin, ang problema, isang eroplano lang ang ibinigay. So, ‘yong nililiparan nila, hindi talaga ‘yon ‘yong buong West Philippine Sea. Kasi ang West Philippine Sea ay hanggang Scarborough Shoal,” ayon pa sa pinuno ng Western Command.
Ibinahagi ng opisyal na mula Marso 26, ang utos na iniatas sa kanila ay araw-araw na patrolyahan ang Julian Felipe Reef ngunit hindi lamang umano nila ito magawa ng lubusan dahil wala namang dumating na eroplano.
“Kaya kung may discrepancy o may kasabay, mas kukunin namin [kuha] ng eroplano pero kung walang lipad itong [nakamarka ng] pula (landbased sightings), ito ‘yong mga nakikita ng tropa natin—medyo reliable na rin ‘yan pero ‘yong malapit lang sa kanila. Siguro, malayo na ‘yong 10 kilometers; hindi na nila makikilala ‘yon,” aniya.
KAILANGAN NG MAS MARAMING EROPLANO
“Hindi namin sila mahagip-hagip [lahat], kailangan [sana] namin [na] sabay-sabay ang [paglipad ng] tatlo o apat na eroplano para kita lahat. ‘Yong niliparan nila [nakaraan], kaya nasama ang Reed bank dahil may report ‘yong ating mga fisherman na may ilaw-ilaw doon, kaya nag-divert doon bago bumama sa Julian Felipe [Reef] via Pag-asa [Island],” paliwanag pa niya.
Sa usapin sa Julian Felipe Reef, ani VADM. Enriquez, sa huling patrolya na kasama siya noong Enero 13 ay 61 pa lamang ang mga Chinese ship ang kanilang namataan ngunit hindi umano masyadong napagtuunan ng pansin ng National Government. Dumami naman umano ito ng 220 noong Marso 7, batay sa ulat Philippine Coastguard.
Sa kabila nito, tinuran ni VADM. Enriquez na sa isinagawa nilang threat assessment sa Julian Felipe Reef ay “maliit na threat” lamang ang kanilang nakikita dahil wala naman umanong mga Pilipinong mangingsida na tumutungo roon.
Samantala, ang iba pang area na nakasaad sa comparative data buhat sa WESCOM ay ang Paredes Reef (Vietnam), Mabini (Johnson) Reef, Parola, Lawak, Likas, Rizal Reef, Panganiban Reef, Kagitingan Reef, Zamora Reef, at Reed Table Mount.
Discussion about this post