Inilatag ng Deparment of the Interior Local Government (DILG) ang mga pamantayan sa gagawing evaluation sa mga Local Government Units (LGUs) kaugnya ng ikalawang bugso ng road clearing operations na isinagawa mula November 16, 2020 hanggang January 15, 2021.
Ang evaluation ay dapat gaganapin simula January 18-22 base sa Memorandum Circular 2020-145 Road Clearing 2.0 ng DILG. Ngunit naglabas ng update ang DILG National noong Sabado, January 16, na magbibigay ito ng isang linggong extension sa mga LGUs.
“The Department of the Interior and Local Government (DILG) has granted one week extension of the deadline of the Department’s Road Clearing Operation 2.0 (RCO 2.0) following the requests by local government units (LGUs) to give them more time to clear roads of obstructions.”
Kinumpirma ito ni Eufracio Forones Jr., Director ng Puerto Princesa City DILG, kahit wala pang opisyal na kasulatan mula sa DILG national.
“Since ang assessment po ay na move ng Jan. 25-Feb.5, I would assume na extended nga po kahit wala po kami written advisory.”
Pero paglilinaw nito, walang magbabago sa mga pamantayan. Una na rito ang pagbuo ng LGU ng polisiya ukol sa mga nakasagabal o nakahambalang sa mga kalsada.
“Ang evaluation natin ay hindi lamang nakatuon doon sa actual na numbers ng mga i-clear na mga obstruction sa kalsada. Meron din pong hinihingi na parametro para masabi kung nag-perform… [at] sufficiently nakapag-comply ang ating local government unit. Katulad po ng ordinansa, titignan ng DILG kung meron pang polisiya ang ating mga pamahalaang lokal na may kinalaman sa pagbabawal ng mga obstruction sa mga kalsada.”
Ikalawa naman ang imbentaryo ng mga nakahambalang sa kalsada.
“So aside from ordinansa po ay meron din pong titignan kung may imbentaryo o nagco-conduct ba ng inventory ang Local Government Unit kung ano-ano ang mga obstructions, ilan ang bilang at saan bang lugar o mga kalsada ito. Para mapatunayan na nagkaroon ng baseline at magandang implementasyon. Kasi syempre sa mga tuwing may implementasyon dapat meron tayong baseline kung saan ito ang pagmumulan ng mga datos natin para sa ating implementasyon at para makita ang figure kung gumagalaw.”
Ikatlo ang ‘displacement mechanism’ o ang gagawing hakbang ng LGU sa mga apektado ng road clearing.
“Aside pa po doon ay magkakaroon ng displacement mechanism ang Local Government Unit. Ito ay may kinalaman doon sa mga madi-displace or matatanggal nating obstruction. Halimbawa ito’y may kinalaman sa kanilang kabuhayan, ano ba ang plano o may plano ba ang ating pamahalaang lokal para sa kanila?”
Ikaapat ang ‘rehabilitation effort’ para sa mga tatanggaling private at government structures.
“Titingnan din natin kung may rehabilitation effort or plan ang ating Local Government Unit doon sa mga structures na tatanggalin. Kasi hindi lang itong structures ng private sectors eh kahit po mga barangay or government o city man ito na mga structures ay kailangang alisin din…kahit ito po ay mga outpost ng mga barangay or mga brgy buildings kailangan pong alisin…”
Ikalima umano ang ‘sustainability plan’ o pagsiguro na hindi na babalik ang mga tinanggal na nakahambalang sa kalsada.
“Sustainability plan kung meron. Kasi pagsinabi nating sustainable dapat ang programa hindi lulubog-lilitaw. Yung tipong mawawala ngayon [tapos] sa susunod na mga araw nandiyan tapos mawawala ulit. Parehong mahihirapan ang pamahalaan pati ang ating mga mamamayan so kasama po yun.”
At ikaanim, ang ‘grievance mechanism’ o paraan ng LGU para makuha ang mga reklamo at feedback kaugnay ng ginawang road clearing operations.
“Kailangan din makuha ng pamahalaan yung kung ano ang mga puna, kumento, suhestyon [at] reklamo ng ating mamamayan sa pag-i-implement ng programa at paano ito tinutugunan ng ating pamahalaan.”
Paalala ng DILG, ang LGU na hindi susunod sa itinakda ng Road Clearing 2.0 ay maaaring maharap sa kasong administratibo. Charges ng DILG.
Discussion about this post