Pormal nang binuksan ngayong araw ng Martes Abril 29, ang “Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa” sa Atrium ng Gusaling Panlungsod ng Puerto Princesa bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-123 Araw ng mga Manggagawa. Tatagal ang aktibidad hanggang Mayo 2 ng kasalukuyang taon.
Dumalo sa pagbubukas ng programa ang mga pangunahing opisyal ng lungsod at lalawigan kabilang sina G. Demetrio A. Lopez Jr., City PESO Manager; Gng. Melissa Theodora U. Macasaet, Hepe ng City Agriculture Department; G. Vicente A. Binasahan Jr., Agricultural Center Chief II ng APCO Palawan; at Engr. Rhea J. Paitan, Provincial Office Head ng DOLE Palawan.
Layunin ng Kadiwa ng Pangulo na palawakin ang pamilihan para sa mga produkto ng maliliit na magsasaka at mga samahan na kanilang kinabibilangan. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gng. Macasaet ang kahalagahan ng pagsuporta sa lokal na ani upang mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka. Hinikayat niya ang mga mamimili na isabuhay ang adbokasiyang “GO Lokal, BUY Lokal, EAT Lokal!”
Makakabili sa Kadiwa ng Pangulo ng mga de-kalidad, abot-kaya, at ligtas na produktong pagkain mula sa 25 asosasyon ng mga magsasaka sa lungsod.
Ang naturang programa ay isa lamang sa mga tampok na aktibidad ngayong linggo bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga manggagawang Pilipino sa pag-unlad ng bansa.