Pormal nang nanungkulan ngayon si Dr. Faye Erika Q. Labrador bilang Acting Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan matapos na magpaalam si Dr. Mary Ann H. Navarro.
Sa isinagawang COVID-19 Online Press Briefing” ng Provincial Information Office noong ika-6 ng Agosto sa kapitolyo, sinabi ni Dr. Labrador na ipagpapatuloy niya ang lahat ng mga programa at gawaing nasimulan ng PHO sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Navarro.
Sinisiguro niya umano na magiging epektibo ang lahat ng mga hakbang at programa ng kanilang tanggapan upang patuloy na matugunan ang aspetong pangkalusugan ng mga Palaweño.
Bilang bagong namamahala sa PHO, nakahanda umano siya sa lahat ng responsibilidad at nangangakong ipagpapatuloy ang mga nasimulan ng tanggapan sa pagbibigay ng quality health care sa lahat ng mga mamamayan partikular ngayong may kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19.
“Katulad po ng dati, wala pa rin pong magbabago. Nandito pa rin po ang PHO handang gawin ang abot ng aming makakaya para po mabigyan ng quality health care ang bawat Palaweño,” ayon sa dating Chief of Hospital ng Roxas Medicare Hospital na naglingkod mula taong 2014.
Ayon naman kay Dr. Navarro, binigyan umano siya ng special assignment ni Gob. Jose Ch. Alvarez upang pamunuan ang nalalapit nang pagbubukas ng El Nido District Hospital ngayong buwan at tutukan umano nito ang magiging operasyon bilang isang community and tourism hospital na matatagpuan sa Barangay Barotuan sa bayan ng El Nido.
“Actually for the record, hindi ko naman iiwanan sa gitna ng pandemya ang PHO, kasi may capable naman na pumalit sa akin. May special assignment na ibinigay sa akin si Governor na ayusin ang ating hospital sa El Nido kasi sa loob ng matagal na panahon wala tayong ospital doon, so kailangan natin lalo na sa napipintong pagbubukas ng turismo kailangan may ospital doon,” ayon kay Dra. Navarro
Samantala nangako naman si Navarro na bagama’t pansamantala niyang iiwan ang PHO, magpapatuloy pa rin umano ang kanyang supporta at malasakit rito.
Discussion about this post