Puspusan ang pagpapatuloy ng pagbigay ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan sa labing apat (14) na mga residente na nagmula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan na pawang naging biktima ng karahasan at pang-aabuso.
Ang Lualhati Women Center ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sa pangunguna ni LWCP Center Head at Social Welfare Officer III Ruby Claire B. Escubin.
Ang LWCP ay ginawaran ng pagkilala ng Philippine Commission on Women (PCW) noong 2019 bilang isa sa natatanging Gender and Development (GAD) Learning Hub sa Pilipinas dahil sa kahanga-hangang mga programa nito bilang isang pasilidad na nagsisilbing kanlungan ng mga kabataang babae na biktima ng iba’t-ibang uri ng karahasan at pang-aabuso at pagbibigay proteksyon at rehabilitasyon sa mga ito para sa pagpapatuloy ng kanilang pamumuhay.
Nabatid na ilan sa mga serbisyo at programang naisakatuparan nitong nakalipas na taong 2022 na patuloy na ipinagkakaloob sa mga residente ng center ay ang pangangalaga sa kalusugan at kaisipan sa pamamagitan ng medical and psychological services kabilang na ang pagsasailalim sa medical and dental check-up, pagpapabakuna ng first, second at booster shots laban sa COVID-19.
Kasama na rin ang pagsasailalim sa psychological counselling sa pakikipagtulungan ng Philippine Mental Health Assosociation, Inc.
Bukod dito, binigyang tuon din ng mga nangangasiwa sa Lualhati Women Center ang pagbibigay edukasyon sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) at formal schooling sa pamamagitan naman ng modular session.
Mayroon ding tutorial services at skills enhancement activities tulad ng food processing, pedicure & manicure, foot spa, beads making, basic sewing, foot rugs making, urban gardening at baking sa ilalim naman ng Educational Services and Life Skills Development Program katuwang ang TESDA.
Tinutulungan din ang mga residente sa legal services sa bawat pagdalo ng mga ito sa korte at pagsampa ng mga kaukulang kaso kasama na ang pag-sangguni sa Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific (CATW-AP) para sa kanilang proteksyon kung saan pinagkalooban ang mga ito ng pinansyal na tulong.
Ipinahayag ni Provincial Social Welfare & Development Officer Abigail D. Ablaña, layunin ng pagtatatag ng Lualhati Women Center (LWCP) ang mabigyan ng proteksyon ang bawat kababaihan sa lalawigan na nakaranas ng pang-aabuso.
Sinabi ni Ablaña, “Ang Lualhati Women Center ay nagbibigay ng temporary shelter protective custody kung saan pinangangalagaan natin at ibinibigay ang kailangan ng mga biktima habang sila ay nasa center.”
Discussion about this post