Mahigit 6,000 SIM cards na may kasamang libreng internet kada buwan ang naipamahagi na ng Department of Information and Communications Technology (DICT)–Palawan sa mga piling paaralan sa lalawigan ng Palawan, ayon ito kay DICT-Palawan Provincial Director Engr. Virgo Pinangay.
Sa isinagawang Kapihan sa SM ng Philippine Information Agency (PIA) – Palawan, kahapon, Pebrero 9, sinabi ni Pinangay na bukod sa Free WiFi for All Program ay kasalukuyan ding ipinapatupad ng ahensya ang Bayanihan SIM Project. Sa ilalim ng proyektong ito, makatatanggap ng libreng SIM cards ang mga estudyante, guro, at non-teaching personnel ng mga napiling paaralan, na may kasamang 25 gigabytes ng internet kada buwan sa loob ng isang taon.
“Aside doon sa Free Wifi Program mayroon kami ini-implement ngayon na tinatawag na Bayanihan SIM Project. Ito ‘yung under pa rin po ito sa policy natin ‘no under the R.A 10929 na Free Wifi program wherein si DICT is nagpo-provide, nagbibigay po kami ng mga libreng SIM cards sa ating mga beneficiaries sa iba’t ibang probinsya ng Mimaropa. Dito po sa Palawan, ang ating mga beneficiaries po ay itong ating mga schools sa iba’t ibang municipality ng ating lalawigan,” pahayag ni Pinangay.
Dagdag pa niya, plano ng ahensya na makapamahagi ng mahigit 66,000 na sim cards sa napiling 46 na eskwelahan sa lalawigan. Ang bawat paaralan na ito ay maaaring makatanggap ng mahigit 2,780 na SIM cards.
“So, dito sa Palawan we are very lucky ‘no and very fortunate kasi tayo ‘yung mayro’ng pinakamalaking sim card distribution na gagawin sa buong Mimaropa. We have a total of 66,000 SIM cards na idi-distribute sa eskwelahan.”
Ibinahagi rin niya na sa kasalukuyan, 16 na paaralan na mula sa nabanggit na 46 ang napakinabangan ang naturang proyekto.
Ipinaliwanag naman ni Pinangay na ang uri ng SIM card na ipapamahagi ay nakabatay umano sa cell site na pinakamalapit sa pangunahing benepisyaryo na paaralan. Kung anong telecommunications provider ang may cell site sa lugar, iyon din ang SIM card na ipamamahagi. Maaari ring makatanggap ang mga kalapit na paaralan o “adjacent beneficiaries” kung sakaling may sobrang SIM cards.
Prayoridad din umano ng naturang proyekto na mabigyan ang mga nasa ilalim ng 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung sakaling may sobra sa naipamahaging SIM cards.
Samantala, tiniyak ni Pinangay na ang libreng internet na kasama sa SIM card ay nakalaan lamang para sa mga gawaing may kaugnayan sa edukasyon. Hindi umano ito maaaring gamitin sa paglalaro o pag-access sa mga ipinagbabawal na website gaya ng online gambling, dahil awtomatikong maba-block ang mga ito bilang bahagi ng security features ng proyekto.
“Isa rin sa mga security features na gagawin natin dito kasi alam naman natin na most of our beneficiaries are students si DICT we will make sure na yung mga distributed sim cards natin ay mayro’ng mga limitations na i-implement. Of course, dapat hindi sila pwede maka-access sa mga website na bawal for students, particularly ‘yung mga gambling sites mga gano’n. Automatically iba-block po ‘yun ni DICT,” saad pa niya.
Kaugnay nito, patuloy ang pamamahagi ng libreng SIM cards ng DICT-Palawan at target na matapos ang distribusyon sa ikalawang linggo ng Marso ngayong taon.














