Hindi umano pinagbabawalan ang mga empleyado ng gobyerno maging ang mga opisyal na mangampanya para sa darating na plebisito kaugnay ng paghahati ng Palawan sa tatlong (3) probinsya. Ito ang nilinaw ng tagapagsalita ng Palawan Provincial Comelec na si Jomel Ordas.
“Section 5 at Section 6 COMELEC Resolution 10687, makikita po doon yung rules natin sa pangangampanya po ng mga nagtatrabaho sa Gobyerno. Ang mga Government Officials at Governement Employees po ay hindi po ipinagbabawal na magbigay ng opinyon patungkol po sa mga issues na related sa Palawan Plebiscite.”
Dagdag pa ni Ordas, ang kanilang pinagbabawalan lamang ay ang mga ahensya ng gobyerno na katuwang ng COMELEC tuwing may nangyayaring eleksyon.
“Unang una yung Commission on Elections (COMELEC) at lahat po ng mga deputized agencies ng COMELEC ay bawal po magbigay ng ano man po opinyon, saloobin patungkol po sa Palawan Plebiscite. So ano ano po yun? Yan po yung DEPED, PNP, AFP lahat po ng mga agencies na nakikita po ninyo na katulong ng COMELEC sa pagpaptupad ng election at ang ngayon ay ang Palawan Plebiscite.”
Ayon naman kay Rocky Yamog, nagtatrabaho bilang tour guide at residente ng Narra, Palawan, wala umano itong problema kung pinahihintulutan ang mga empleyado ng gobyerno na mangampanya.
“Kung pinapayagan naman ng COMELEC ay wala naman problema. Kung mga empleyado mismo ang mangangampanya ng yes, siguro dahil sila nasa administrasyon. Pero ang ano naman diyan is taong bayan naman yung boboto, so ano pa rin naman yun kumbaga personal na nila iyon na desisyon parin yun.”
Para naman kay MJ Deluba isang negosyante, tutol ito sa pagpapahintulot sa mga empleyado na mangampanya para sa darating na plebisito dahil para sa kanya umano ay biased ito.
“Ay dapat hindi, kasi baka biased kasi baka may bigay or may incentive silang makukuha for example pag manalo yung YES bibigyan sila ng magandang posisyon or bonus so para sa akin dapat hindi kasi kung Government Employee ka dapat makikita ng tao na pinu-push mo yung kabutihan para sa nakakarami kesa sa personal na interest.”
Sa March 13, 2021 nakatakda ang plebisito sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya, ang Palawan Del Sur, Palawan Oriental at Palawan Del Norte.
Discussion about this post