Ipinaliwanag ng Palawan Provincial COMELEC kung bakit kasama ang lungsod ng Puerto Princesa sa mga hihigpitan sa araw ng plebisito para sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya sa Marso 13, 2021.
“Ang very reason kasi nung meeting ng COMELEC with the City Mayor is for peace and security. So napag-usapan po doon na kung puwede pong isama ang Puerto Princesa sa ipapairal na gun ban at saka liquor ban dahil nga po karamihan ng ating plebiscite supplies at ganun din yung provincial canvassing ay dito po natin gagawin sa Provincial Legislative Building na kung saan located po sa Puerto Princesa at mga supplies naman po ay manggagaling sa Provincial Treasurer.”
Dagdag pa ni Ordas, dahil hindi saklaw ng Provincial COMELEC ang lungsod ng Puerto Princesa, hiniling nila kay Mayor Bayron na gumawa ang lungsod ng isang ordinansa upang maisama umano ito sa ipapairal na gun ban at liquor ban.
“Ang COMELEC kasi hindi po ito [Puerto Princesa] maisama sa isang resolution dahi wala itong legal basis kung isasama ang Puerto Princesa kasi hindi po sila covered ng Plebiscite. Kaya nakipag-usap po ang COMELEC kay City Mayor Bayron para po kung pupuwede ay mag-legislate po sila ng Ordinance o kung ano po na kautusan para po ma-implement din po dito [Puerto Princesa] yung ilang restrictions sa pagdadala ng baril pati ng liquor ban.”
Ayon naman kay Shiela Alarilla, may-ari ng isang sari-sari store at residente ng Puerto Princesa, wala umano itong problema dahil ilang araw lang naman ipapatupad dito sa lungsod.
“Para sakin wala naman problema yan, kasi nga dati nung ECQ halos ilang linggo or buwan bawal bumili o magtinda ng alak. At saka para na lang din payapa ang botohan kasi sabi nga dito gagawin yung bilangan so para sa akin tama lang na isama ang Puerto.”
Discussion about this post