Pinaringgan ni Mayor Gerandy Danao ang mga miyembro ng kanilang Sangguniang Bayan kasabay ng pagbibigay niya ng ulat ukol sa mga accomplishment ng kanyang administrasyon sa halos isang taon niyang pamumuno.
Sa “Ulat sa Bayan” ni Danao kahapon, Hunyo 19, may kaugnayan sa ika-51 anibersaryo ng araw ng pagkakatatag ng Bayan ng Narra ngayong araw, laman din ng kanyang mga talumpati ang ilang mga patama sa karamihan sa mga konsehal.
“Seventy-five days po akong umikot sa mga barangay, bilang na bilang ko po ‘yan. Araw-araw ko po talagang inikot ‘yan. Ngayon po, nang matapos ang 75 days, hindi ko akalain na may kaso po ako. Sa loob ng mga araw na ‘yan, hindi po ako lumabas ng Narra, hindi po nakatawid ng Puerto [Princesa]….Ako, nagsakripisyo, ang premyo ko pala kaso!” may diing pahayag ni Mayor Danao.
Mula nang mamuno ang Alkalde, lantad sa publiko ang hindi magandang relasyon ng executive branch sa mga lokal na mambabatas, hanggang sa umabot sa mga pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
“Hindi ko alam kung bakit ako kinasuhan, na dapat sana, kung may kasalanan akong ginawa, dapat tinuwid po nila ako—binulungan nila ako, kinalabit nila ako na ‘Mayor, mukhang sabit tayo riyan!’ Wala pong nangyari sa akin. Nalaman ko na lang po na may problema na ako,” ayon pa sa Punong Bayan.
Nagbiro pa siyang sa lahat ng mga ikinaso sa kanya ng Sangguniang Bayan.
“Sa mga kasong ibinigay nila sa akin, ‘pag ito hindi nila napatunayan, pitikin ko na lang ang tenga nila,” aniya.
Ukol naman sa P9 milyon na inaakusa sa kanya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra na kanyang ibinulsa, aniya, ang salaping ito ay nai-order nila ng mga COVID-19 na mga kagamitan. Hindi lamang umano na-audit agad dahil walang byahe nkaraan.
Sa “Project Ani” naman, aniya, ang orihinal na plano para sa nasabing proyekto ay bumili ng palay ngunit nang nalaman umano “nilang” maganda ang proyekto “ay sinunggaban nila ito; niyakap nila ang proyekto.” Pinuntahan umano ang NFA at kinausap na sila na ang sasalo ng mga palay na bibilhin ng munisipyo at ang magiging pondo ay P20 milyon.
Bunsod umano nito ay binago niya ang plano at napagpasyahang magtatayo na lamang ang LGU ng solar drying, mechanical drying, bodega at gilingan upang kumita ang munisipyo. Iyon umano ang dahilan kaya pumunta siya noon sa Muntinlupa at tumuloy ng Nueva Ecija upang mag-canvass ng nasabing mga kagamitan.
Aniya, buwan pa lamang ng Marso ay naipasok na nila ang papel sa Sangguniang Bayan ngunit hanggang ngayon wala pa rin silang aksyon.
“Kung natupad ‘yon, ngayon sana, wala na tayong kaproble-problema sa bigas….’Yon po ang plano ko kaya pumunta kami [noon] sa Nueva Ecija, kasama po namin ang dalawang kagawad na isip namin, mabibigyan ng agarang aksyon kasi kailangan po talaga natin ‘yon kapag nangyari ang pandemic. Ngayon, wala na sana tayong problema sa bigas,” giit niya.
“Ang sabi natin, tayo ang ‘Rice Granary,’ pero no’ng dumaan ang pandemic, mahal pa rin ang bigas,” dagdag pa niya.
BUWELTA NI DANAO
Ukol naman sa akusasyon sa kanya na pabaya siya sa trabaho, aniya, wala pang alas siete ng umaga ay nasa tanggapan na siya ng Punong Bayan at kapag hindi natapos ang mga pipirmahan at busy, ay tinatapos niya ito habang umaandar ang sasakyan.
Buwelta niya sa mga konsehal, sila ang hindi sila dumadalo sa Flag Ceremony tuwing Lunes gayung siniswelduhan sila ng gobyerno.
Pinaringgan din niya ang dating administrasyon ni former Mayor Lucena Demaala na aniya, sa dami ng mga casual employees na nagsilbi sa lokal na pamahalaan ay hindi man lang nagawang pagtuunan ng pansin. Kaya sa kanyang liderato umano ay ginawa niyang mga regular employees ang mga nasa 60 indibidwal na nakadestino na ngayon sa iba’t ibang tanggapan.
Kabilang din sa kanyang mga inungkat ukol sa sinundang liderato ay ang P94 milyon na utang ng minahan na nakasaad sa Treasury. Kabilang pa rito ay ang trucking services sa loob ng minahan na pagmay-ari umano ng pamangkin din ni ex-Mayor Demaala. Matatandaan namang may nauna ng pahayag si Demaala sa Palawan Daily News nang pumutok ang isyu kamakailan.
Ilan naman sa bahagi ng accomplishment report ni Mayor Danao, ibinida naman niya ang mga accomplishment niya sa halos wala pang isang taon, lalo na ang mga pagtugon sa COVID-19 crisis, mga nagawang ordinansa, mga at mga kinakailangang hakbang sa turismo, pang-ekonomiya, at kaunlaran.
“Kung ang dating administrasyon, nagtanim ng Narra—maganda , tumubo, namulaklak pero hindi namunga. Si Mayor Danao, magtatanim, hindi pa nakabulaklak, namunga na!” ang binitiwan pang pangako ng Alkalde para sa Narraneans.
Samantala, sa talumpati ng MLGOO ng Narra na si Leny Escaro, itinagubilin niya sa kasalukuyang pamunuan na sundin ang mga gabay para sa matino, mahusay at maasahang lokal na pamahalaan na kung saan ang gagawin ay nakaugat sa transparency, responsiveness, accountability, at pakikilahok.
Discussion about this post