Hiniling ng Puerto Princesa Business Permit and Licensing Office (BPLO) na makipagtulungan ang ibang opisina sa lungsod upang paigtingin ng pagbabantay at pagpapatupad ng ordinansa na nagbabawal na pagbentahan ng alak ang mga menor de edad.
“Lagi naming ginagawa yan lalo na pag-time na ng inspeksyon. Sa ngayon wala pa yan kasi wala pa kaming inspeksyon [dahil] by March pa yan. Paigtingin yung ordinansa, yung ating mga kagawad na parusahan yung mga magbebenta ng mga alak lalo sa mga menor de edad kasi look out nila yan eh… Para lang magkaroon ng responsibilidad yung bawat establisiyemento kasi may ordinansa na tayo na bawal magbenta sa mga menor de edad,” ani Thess Rodriguez.
Aniya, dapat istrikto ang mga barangay at maging ang pamunuan ng Baywalk upang maiwasan ang pagbili at pag-inom ng alak ng mga kabataan na nagiging dahilan upang masangkot ang mga ito sa kaguluhan na nauuwi sa krimen.
“Dapat ipaigting ito. Ipatupad di lamang ng ating tanggapan kundi ng Philippine National Police at puwede din ng baywalk management. Kasi yung Baywalk Management may sarili yan silang grupo na umiikot at nagma-manage ng business establishment kasi nasasakupan nila yan. Unang una, barangay. Ang barangay natin may barangay tanod sila. Mayroon silang committee sa peace and order,” paliwanag ni Rodriguez.
Dagdag pa ni Rodriguez, dapat ay may guwardiya ang mga restobar sa lungsod na magsisiguro na walang makakapasok na menor de edad.
“Kung sila’y nagpapainom, kailangan nila mayroon silang security guard para magdetermine kung yun ay mga minor o hindi. Dapat responsible yung mga nagbebenta ng alak, dapat nakikita nila yung kanilang mga kliyente kung yun ba ay dapat pagbentahan [ng alak] o hindi,” karagdagang pahayag pa nito.
Samantala, ayon sa City Ordinance 544, may kaukulang parusa at multa ang mga establisyemento na lalabag sa panuntuna ng hanggang P1,500 at pagkakulong ng hanggang anim (6) na buwan. May kaukulang parusa rin ang magulang o guardian ng menor de edad na nahuling bumili ng alak. Sa bisa naman ng Ordinance 756 inaatasan ang mga Barangay Officials, Barangay Tanods at concerned citizens na maging katuwang sa pagpapatupad ng Ordinansa at pagbabantay sa kanilang mga nasasakupan.
Discussion about this post