Malaking halaga ng grocery items at pera ang natangay ng mga magnanakaw mula sa isang sari-sari store sa Bayan ng Narra.
Kinilala ang biktima na si Francisca Cielo dela Isla, 72 anyos, may asawa, may-ari ng tindahan at residente ng Brgy. Malinao, Narra, Palawan habang ang mga suspek naman ay sina Friddie Soriano, 34, may asawa, at alyas Atong, 30, binata at pawang naninirahan sa nasabing barangay at munisipyo.
Sa spot report mula sa Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na naganap ang insidente bandang alas diyes ng umaga noon pang Feb. 15 sa Francisca Dela Isla compound sa Brgy. Malinao, Narra ngunit nagawa lamang itong iulat ng biktima sa Narra MPS bandang 9 am kahapon, June 16, 2020.
Nakilala umano ang mga suspek sa tulong ng isang saksi na nakakita sa kanila nang sirain nila ang lock ng gate ng nasabing tindahan ng biktima. Sa salaysay umano ng witness, gamit ang martilyo at iba pang kagamitan ay nagawa ng naturang mga indibidwal na sirain ang door knob ng sari-sari store at kinuha ang mga assorted grocery items na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P50,000 at pinasok pa ang isang silid ng bahay at ninakaw ang perang nagkakahalaga ng P20,000.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Provincial PNP na si PCapt. Ric Ramos, sa kasalukuyan ay hindi pa nahuhuli ang mga itinuturong suspek sa nakawan na patuloy namang pinaghahanap ng batas.
Discussion about this post