Tinapos na ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdinig sa motion for preventive suspension laban kay Narra Mayor Gerandy Danao.
Ayon kay Vice Governor Dennis Socrates, maglalabas na lamang ng “written order” ang Provincial Board kaugnay sa kanilang hatol base sa magiging desisyon ng mayorya at hindi na kailangan pa ang nakagawiang botohan sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay.
Ito kasi anya ang kanilang napagkasunduan na nakadepende sa kung ano naman ang magiging boto ng bawat miyembro sa pamamagitan ng pagpapaikot ng isang resolusyon na pipirmahan ng mga papabor sa suspension ni Danao sa loob ng tatlong buwan habang dinidinig ang kasong isinampa laban dito.
“Kailangang sumulat ng resolusyon kung ano ang desisyon nila. Ang lalabas ay papel na at pirmado na ng mga boboto na sang-ayon kung ano man ang resolusyon ng mayorya. Dapat kasing aralin muna ang records at ang mga naisumiteng dokumento at ebidensya bago desisyunan ang isyu,” ani Socrates.
At dahil nag-inhibit na si Board Member Prince Demaala, labing apat na lamang ang kailangang bomoto at sa bilang na ito, sampung boto ang kailangan para sa ilalabas na desisyon ng Sangguniang Panlalawigan na siya namang isusumite kay Governor Jose Alvarez.
“The resolution for preventive suspension will pass through the governor. Ang magpapatupad nito kung gusto n’ya ay ‘yong gobernador. Hindi ko alam kung may discretion s’ya doon pero dadaan sa gobernador at hindi ang sanggunian ang magpapatupad ng suspension kung ‘yun ang desisyon,” dagdag ni bise gobernador.
Matatandaan na kahapon ay ipinagpatuloy ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdinig sa kasong inihain laban kay Mayor Danao ng Sangguniang Bayan Members ng nasabing bayan pero tinuldukan narin ang preliminary conference sa kaso.
Samantala, pag-uusapan rin ng Provincial Board ang mga kasong isinampa naman ni Mayor Danao sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra.
Discussion about this post