Pansamantalang itinigil muna ng mga miyembro ng Yellow Bee Search and Rescue (SAR) Operation ang paghahanap sa mag-iisang buwan ng nawawalang medevac helicopter kabilang na ang limang sakay nito ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) -Palawan District Commander Dennis Rem Labay.
Kinumpirma ni Labay na sinuspende pansamantala ang naturang SAR dahil sa hirap na nararanasan sa area ng mga miyembro ng operasyon dala na rin ng paiba-ibang lagay ng panahon.
Tanging ang unan pa lamang ng pasyente at ang pares ng sapatos ng nurse na sakay ng helicopter ang nakuha ng mga PCG personnel at wala pang nakikitang anomang debris mula sa chopper.
“So far wala pa tayong update. SAR was haulted dahil sa hirap ang SAR team sa area,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Labay sa Palawan Daily ngayong Miyerkules, Marso 29.
“Don’t worry pag may bagong update kami, will inform you ASAP,” dagdag nito.
Matatandaang Marso 1 nang idineklarang nawawala ang naturang medevac chopper sa karagatang sakop ng Balabac matapos magsundo ng isang pasyente sa Mangsee Island.
Lulan nito ang Adventist missionary pilot na si Daniel Lui, American-national nurse na si Janelle Alder, ang pasyenteng si Kayrun Sahibad, asawa nitong si Nastru Sahibad at isa pang kaanak na kinilalang si Sug Hamja.
Sa kasalukuyan ay wala pa ring positibong ulat mula sa Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) ukol sa resulta ng paghahanap ng Sound Navigation and Ranging (SONAR) team sa area na tumungo sa posibleng crash site noong Marso 17.
Hindi naman sumagot ng tanungin ng Palawan Daily si Labay kung kailan muling magpapatuloy ang nasabing operasyon.
Discussion about this post