Patuloy ang pagkalap ng impormasyon ng Rizal Municipal Police Station (MPS) sa pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pagpatay kay Engr. Gregorio Baluyut. Ito ang binanggit ni Police Major Aldrico Nangit sa panayam ng Palawan Daily News.
“Ang kapulisan po sa bayan ng Rizal ay tuloy-tuloy po sa pag-iimbestiga at paghahanap ng mga ebidensya upang maresolba po natin kung sino man [ang] may kinalaman sa pagpatay kay Engr. Baluyut,” ani Nangit.
Aminado ang Hepe ng Rizal Municipal Police Station na hanggang ngayon ay wala pang usad ang kaso kaugnay ng pamamamaslang kay Engr. Baluyut.
“Sa ngayon ay wala pa po kaming mailabas na person of interest dahil walang ma-iugnay o makuhang witness… pinagsisikapan din namin malaman ang motibo talaga sa pagpatay,” pahayag ni Nangit.
Dagdag pa ni PMAJ. Nangit, tinitignan din nila ang posibilidad ng pagkakakroon ng professional killer sa bayan ng Rizal o maging sa buong lalawigan ng Palawan.
“Sa ngayon po minomonitor po natin kung merong mga gun-for-hire na pumasok po dito sa ating bayan o sa ating lalawigan para po gumawa ng ganitong krimen o sitwasyon upang paguluhin ating lalawigan,” dagdag pa ni Nangit.
Samantala hinikayat din nito ang mga mamamayan na makipagugnayan sa kanilang tanggapan lalo kung mayroong impormasyong makalap kaugnay sa nasabing kaso.
“Kami po ay nananawagan sa mga residente, mga kababayan na makipagtulungan sa pangyayaring ito at wag pong matakot kung meron kayong nalalaman upang maresolba po ang ating kinakaharap na problema dito sa pagpatay kay Engr. Baluyut,” karagdagang pahayag ni Nangit.
Discussion about this post