Kasabay ng Bagong Taon, ikinatuwa ng mga residente ng Purok Green Island, Tumarbong, Roxas nang makitang may isang pawikang nangitlog sa kanilang lugar, sa gilid ng bakod ng isang bahay na halos katabi lamang din ng daan.
Ayon sa ilan sa mga nakasaksi na si Sarah Jane Setenta, unang nakita ng mag-asawang Pedro Optana Jr. at Ma. Fe Optana ang nasabing marine sea turtle nang dumaan sa bahaging iyon, dakong 7pm kahapon.
“Dumaan sila [roon] nang makita nila ang pawikan. No’ng una, akala raw nila kahoy lang [ito], pero no’ng palapit na sila, nakita nila pawikan [pala na] naghahanap ng maitlugan, at ‘yon nga umahon s’ya at nangitlog sa tabing-kalsada. Hanggang sa matapos s’ya sa kanyang pangingitlog, tinabunan n’ya ang kanyang mga eggs, gamit ang kanyang mga kapay,” aniya.
Kwento naman ng ama ni Sarah Jane na si Florito Setenta, ito ang unang pagkakataon na may nangitlog na pawikan sa Zone 1 ng Purok Green Island. Aniya, bandang 7pm nang nangitlog ito sa gilid ng bakod ng dating tindahan ng isang bahay malapit sa baybayin at katabi lamang ng daan.
Aniya, agad nila itong ipinabatid sa mga kinauukulan at pinayuhan silang pabayan lamang ang pawikan na makapangitlog sa bahaging iyon.
Masaya ring nagtulong-tulong ang mga residente na bakuran ang pinangitlugan ng Olive Ridley Turtle upang maging ligtas mula sa ibang hayop na posibleng kumain ng kanyang mga itlog o sa mga sasakyan.
“Nilagyan namin ng bakod [ang paligid ng pinangitlugan ng pawikan] kasi baka madaan-daanan ng mga topdown. Tinitingnan-tingnan ko lang, binabalik-balikan ko baka may aso, ngatngatin ang bakod,” aniya.
Ani Setenta, katuwang ang Presidente ng Green Island Fisherfolks Association (GIFA) na si Jebrel Ompad at Barangay Kagawad Rolando Enema ay kanilang sinukat ang pawikan. Aniya, ito ay may 27 inches na haba, 26 inches lapad at tinataya ring may 35-40 bigat.
Pagpatak naman umano ng 9:38 pm ay bumalik na sa dagat ang naturang hayop.
“Nai-release na namin dahil tinawagan kami na i-release na lang daw dahil baka na-stress ang pawikan.Ginuide lang namin dahil may mga kahoy kasi dito [na nakaharang sa daanan] baka hindi siya makaakyat. Ginuide lang namin papunta sa dagat,” dagdag pa niya.
Pahayag pa ni Setenta, hahayaan nilang mapisa ang mga itlog na inaasahang matapos ang dalawang buwan ngunit nakadepende umano kung kukunin ito ng mga kinauukulan mula sa DENR o PCSD ipang i-incubate.
“Sisikapin lang naming mabantayan [ang mga ito] hangga’t hindi pa mapuntahan dito ng mga kaukulang department. Kailangang maalagaan ang mga itlog doon, baka galawin ng aso,” ang pagtitiyak pa ni Setenta.
Ayon naman kay PCSDS Spokesperson Jovic Fabello, panahon ngayon ng pangingitlog ng mga pawikan kaya may mga sightings ng nangingitlog sa mga baybayin o beach.
“Babalik din sa laot ‘yang pawikan after mangitlog. Ang importante ay maproteksyunan ang mga itlog. [Dapat ding] bakurin ang area na pinangitlugan para di kalkalin at kainin ng mga aso,” ani Fabello sa interbyu ng Palawan Daily News team sa pamamagitan ng chat message.
Samantala, ayon naman sa kwento ng ibang mga residente, ilang taon na rin ang nakalilipas nang may naitalang nangitlog na pawikan sa kanilang lugar ngunit iyon ay sa dulong silangang bahagi ng kanilang isla. Sa mga pag-aaral naman, bumabalik ang mga pawikan sa kaparehas na beach upang mangitlog kung saan sila nangingitlog.
Discussion about this post