Mahigpit na nagpaalala ang Provincial Treasurer’s Office ng Palawan sa lahat ng mga Palawenyong mayroong propedad o ari-ariang di natitinag na huwag kakaligtaan ang obligasyong magbayad ng karampatang buwis o amilyar para sa taong 2023 upang makakuha ng diskwento at makaiwas sa multa.
Ang amilyar ay ang buwis na ipinapatong sa mga ari-ariang di natitinag gaya ng lupa, bahay, gusali at mga makinarya kung saan ito ay binubuo ng 1% Basic Tax at 1% Special Education Fund (S.E.F.).
Sa pabatid ng Panglalawigang Ingat Yaman ng Palawan, upang makakuha ng 10% diskwento sa pagbabayad ng kabuuang buwis kinakailangan na mabayaran ito bago o hanggang sa mismong araw ng Marso 31, 2023.
Sa mga nagnanais naman na magbayad quarterly, maaaring magbayad sa mga sumusunod na iskedyul:
1st Quarter – January 1 to March 31, 2023
2nd Quarter – April 1 to June 30, 2023
3rd Quarter – July 1 to September 30, 2023
4th Quarter – October 1 to December 31, 2023
Para sa mga magbabayad ng amilyar, kinakailangang dalhin ang nakaraang taong resibo, computation mula sa Municipal Treasurer’s Office o Tax Clearance.
Sa mga hindi naman makakapagbayad sa itinakdang oras na may diskwento mayroong 2% na multa sa bawat buwan o hindi lalampas ng 36 na buwan o 72% ayon sa Sec. 76 ng Provincial Tax Code.
Binigyang diin ng Provincial Treasurer’s Office, mandato ng isang lokal na pamahalaan na mangolekta ng Real Property Tax o buwis para sa mga ari-ariang di natitinag.
Bilang responsibilidad isang obligasyon ng bawat isang nagmamay-ari ng real property na magbayad ng buwis sa itinakdang panahon.
Ang iba’t-ibang proyekto at serbisyo ng pamahalaan ay nagmumula sa mga buwis na nakokolekta.
Narito ang pabatid mula sa Provincial Treasurer’s Office of Palawan.
Source: PIO Palawan
Discussion about this post